KAKAIBANG Sylvia Sanchez ang mapapanood sa kauna-unahan nitong indie film na may titulong Nay mula sa Cinema One Originals at mapapanood sa November.
Ang Nay ay isang horror film mula sa panulat at direksiyon ni Kip Oebanda na nakilala sa mga naunang pelikula niyang Tumbang Preso 2014; Bar Boys (2016); at Justine Barber (2014).
Magsisimula nang gumiling ang camera ng Nay sa ikatlong linggo ng Agosto at excited na nga si Sylvia na gawin ang pelikulang ito dahil first time niyang gaganap sa ganitong klaseng role na para sa kanya ay very challenging.
Kuwento nga nito, “Ibang-Iba ito sa ‘The Greatest Love’ dahil punumpuno ako ng pagmamahal at pang-unawa roon.
“Pero rito sa ‘Nay’, aswang ako pero hindi ‘yung usual na aswang. Naiiba siya.
“At saka rito sa ‘Nay’ wala akong puso, hindi ko alam kung paano magmahal. Ang tanging mahal ko lang dito ‘yung alaga kong si Enchong.
“’Pag may lumapit sa kanya, patay ka ‘di puwede ‘yun, ganoon kasama ‘yung role ko rito, ‘yung tipong kamumuhian mo.
“Noong inalok sa akin ito at nabasa ko ‘yung script gandang-ganda ako sa istorya, sabi ko nga gawin na natin.
“Habang ikinukuwento sa akin ‘yung story may naglalaro na sa isip ko kung paano ko ito ipo-portray.
“Ang ganda ng istorya, ang ganda ng script kaya talagang umoo ako. Sabi ko nga kung sa ‘TGL’, sobra-sobra ang pagmamahal ko sa lahat, dito sa ‘Nay’, wala, parang galit ako sa mundo. Hindi ko puwedeng ikuwento sa ’yo.”
Makakasama ni Sylvia sa Nay ang dalawa sa mahusay na actor sa kanilang henerasyon na sina Enchong Dee at Jameson Blake.
MATABIL – John Fontanilla