MARAMING artistang natulungan ang talent manager at beteranong kolumnistang si Alfie Lorenzo. Marami nga sa mga iyon bukod sa tinulungan niyang makarating sa kanilang kinalalagyan ngayon, talagang ipinakikipaglaban pa niya, kaya may mga nakakaaway siya. Kami mismo, alam namin kung paano niya ipinakipaglaban ang ilan sa kanila kahit na tagilid, dahil sa paniniwala niyang sila ay kanyang mga kaibigan. At ano nga ba ang hindi mo gagawin para sa mga kaibigan mo?
In the end, ang nag-asikaso lang sa kanya ay sina Judy Ann Santos, Jeffrey Santos, tapos nakita namin doon sina Lito Pimentel, Rey Abellana, Jordan Castillo, Ricky Davao, Sunshine Cruz, iyong mga executive ng GMA 7 na dumating in full force, ilang executives ng ABS-CBN, and to our surprise, si Alden Richards. Ang sinasabi ni Alden, may utang na loob siya kay Alfie dahil naging very supportive iyon sa kanya kahit na noong nagsisimula pa lamang siya.
Pero iyong mga natulungan niya nang husto, iyong mga ipinakipaglaban niya, hindi namin nakita. Kung sa bagay, mayroon pa rin namang vigil sa Pampanga hanggang sa mailagak sa huling hantungan ang kanyang abo. Na-cremate na kasi siya noong isang gabi. Pero kung dito nga sa malapit at mas secured na lugar hindi nakarating eh, doon pa kaya?
Iyong mga ganyang pagkakataon, diyan mo makikita ang pakikipag-kaibigan at pagtanaw din ng utang na loob ng mga artista. Si Vilma Santos, inaway-away iyan ni Alfie, pero nagpadala pa rin ng pagkain sa burol. Si Mayor Herbert Bautista, hindi rin naman nakalimot.
Nakatutuwang isipin pero alam ba ninyong may dumating pang bulaklak na ang nakalagay ay mula kay FPJ?
Siguro nga masyadong busy ang marami sa kanyang mga natulungan noong araw, pero iyong mga nakikita naming ang hihigpit ng yakap sa kanya noong araw na nabubuhay pa siya, wala roon at hindi man lang namin naramdamang nakiramay.
HATAWAN – Ed de Leon