SA totoo lang, kawawa naman sina Aljur Abrenica at Ronnie Alonte na pinagtatawanan dahil sa nakuha nilang nomination bilang best actor sa gagawingLuna Awards. Marami ang kumukuwestiyon sa kanilang nomination, pero ano naman ang kasalanan nilang dalawa kung nominated sila?
Sa pagkakaalam namin, iyang Film Academy, binubuo iyan ng mga guild na nagpapadala ng kanilang kinatawan sa isang electoral college na siyang namimili kung sino ang kanilang pararangalan. Halimbawa sa best actor, ang pumili sa mga nominado ay ang Actors Guild din mismo. Tapos at saka ihaharap iyan sa buong electoral college ng academy na siya namang pipili ng mananalo.
May nagsasabing iyan ay parang popularity contest, dahil kung mahusay kang makisama sa mga kapwa mo manggagawa, o nagkampanya ka, maaari ka talagang maging nominee at manalo. Pero bago iyan ay wala namang nabalitang nagkampanya ang sino man kina Aljur at Ronnie. In fact, bigla na nga lang sumulpot iyang listahan ng mga nominee na iyan eh, dahil wala namang ibinalita na nagsisimula na silang mag-review ng mga pelikula para riyan sa Luna Awards na iyan.
Iyong pamimili naman nila ng mga nominee at maging ng mga mananalo, walang pakialam ang kahit na sino. Iyon ang choice nila eh. Walang may pakialam kung paano pinipili ang mga mananalo ng awards, kagaya rin naman niyong alam ba ninyo kung paano namimili ng mananalo iyong mga guro sa mga kung ano-anong eskuwelahan sa mga probinsiya ng kanilang binibigyan din ng awards? Kanya-kanya iyan eh at wala tayong pakialam.
Ngayon, depende na lang iyan kung ang kanilang choices ay tanggap ng publiko o hindi. Depende na rin naman iyan sa kanilang kredibilidad. Depende rin iyan sa choice ng mga tao. Kung ang resulta nila ay magustuhan ng publiko ok. Kung hindi problema na nila iyon, wala rin tayong pakialam doon.
HATAWAN – Ed de Leon