LUMUBOG sa baha ang ilang kalye sa Metro Manila at mga karatig probinsiya dahil sa tuloy-tuloy na ulan dala nang pinagsamang Habagat at bagyong Gorio, nitong Huwebes ng umaga.
Sa isang kalye sa Roxas District sa Quezon City, gumamit ng bangka ang mga residenteng gustong umalis sa lugar dahil sa abot-dibdib na baha.
Ganito rin ang sitwasyon sa A. Fernando Street sa Valenzuela City, na pinagbigkis-bigkis na drum ang ginawang bangka ng mga residente. May rescue team na uman-tabay sa lugar.
May ginang na 8-buwan buntis ang isinakay sa improvised na bangka para mailikas.
Sa Riverside St., sa Potrero, Malabon, ginawang swimming pool ng ilang bata ang abot-dibdib na baha kahit maraming basurang lumulutang-lutang.
May mga batang nagtampisaw sa baha sa West Riverside, Brgy. Del Monte, Quezon City, at sa Rizal Avenue sa Maynila.
Samantala, bumaha sa España Boulevard sa Maynila, mula sa Quintos hanggang Antipolo Street, gayondin hirap nang dumaan ang ilang sasakyan sa Dela Fuente St.
Pinasok ng baha ang Masambong Elementary School sa Quezon City.
Lubog sa baha ang i-lang lugar sa Bulacan, Caloocan, Malabon, Antipolo at Parañaque.
Babala ng PAGASA
BAHA, LANDSLIDES
SA BAGYONG GORIO
PATULOY na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang Luzon, Metro Manila, at ilang bahagi ng Visayas sa susunod na tatlong araw dulot ng bagyong Gorio, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Admi-nistration (PAGASA).
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagguho ng lupa at matin-ding pagbaha, partikular sa Cordillera.
“Habang umaangat kasi itong bagyo, umaa-ngat din ang access ng habagat… Babantayan po natin ang Cordillera area dahil may mga area kasi riyan na landslide-prone,” ayon kay PAGASA Administrator Vicente Ma-lano.
Pinalalakas at hinahatak ng bagyong Gorio ang hanging habagat na galing sa timog-silangang bahagi ng bansa. Inaasahan itong magdadala ng katamtaman hanggang paminsan-minsang malakas na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila, Bicol, at Mindoro, pati na rin sa kanlurang Visayas. Mahina hanggang katamtamang ulan ang maaaring maramdaman sa nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas.
Habang posibleng bumaha sa Ilocos region, CALABARZON, at Cordillera Administrative Region. Pinag-iingat ang mga nasa MIMAROPA, Kanlurang Visayas, at Bicol region.
Pinayohan ang maliliit na sasakyang pandagat na iwasan ang paglalayag dahil magiging maalon ang katubigan sa Luzon.
Pagsapit ng Sabado, halos parehong mga lugar din ang makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Nakatuon ang mga pag-ulan sa kanlurang Luzon, partikular sa Iba, Bataan, ilang bahagi ng Cavite, Metro Manila, at Batangas.
Sa Linggo ay bahag-yang mababawasan ang buhos ng ulan at inaasahang patungo na ang bagyo sa Taiwan.
Taglay ni Gorio ang hanging umaabot sa 85 kilometro kada oras ma-lapit sa sentro, na may pagbugso ng hanging umaabot sa 105 kilometro kada oras.
Huling namataan ang bagyo sa layong 615 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City.
Tinatayang kikilos ito nang pahilaga, hilagang-kanluran sa bilis na 9 kilometro kada oras.
Dahil sa mga pag-ulan, nagsuspinde ng klase sa mga paaralan sa ilang lugar sa Luzon kahapon. Nagkansela rin ng flights ang ilang airlines.
MMDA AGAD
NAGLINIS
SA BINAHANG
LUGAR
NAGSAGAWA ng cleaning operations ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga area na apektado ng baha dulot nang malakas na pag-ulan sa pananalasa ng bagyong Gorio.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, nagsimula ang cleaning operation ng Flood Control and Sewerage Ma-nagement Office (FCSMO) sa kahabaan ng Tayuman St., malapit sa Land Transportation Office (LTO); Lacson St., malapit sa SM San Lazaro, Sta. Cruz sa Maynila, at sa Gov. Pascual, pa-nulukan ng MH Del Pilar St., Brgy. Tinajeros, Ma-labon City, dakong 9:00 am kahapon. Sa ulat ng MMDA, ang mga lugar na apektado ng baha ay bahagi ng R. Papa, Rizal Avenue, panulukan ng Taft at United Nations Avenue, at Malvar St.
Ang area ng Balintawak Cloverleaf papuntang EDSA, harapan ng Saint Joseph Church sa Quezon City, sa P. Burgos St., Victorino EB, ay hindi makadaan ang light vehicles dahil hanggang tuhod ang baha.
Samantala, hanggang bangketa ang baha sa area ng Quirino Avenue, TM Kalaw Ave., sa panulukan ng Maria Orosa St.; sa A. Bonifacio, panulukan ng C3 Road, at sa 11th Avenue; Brgy. Catmon, Tatawid kanto ng MH Del Pilar St., Camus C. Arellano St., Unican Sitio 6, Gov. Pascual Avenue, panulukan ng Ma. Clara St., Women’s Club St., panulukan ng Naval St., P. Aquino St., Tonsuya St., at San Vicente sa Malabon City.
(JAJA GARCIA)