PALAGAY namin matutuwa ang marami sa showbiz kay Speaker Pantaleon Alvarez. Kasi may panukala siyang “civil union”. Iyong mga bakla at tomboy, na hindi naman maaaringip magpakasal ay maaaring magsama ng legal sa ilalim ng isang civil union. Iyon ding mga mag-syota na ayaw namang pakasal kundi gusto ay magsama na lamang o mag-live in, maaari ring magsama ng legal diyan sa panukalang civil union.
Kung iyan ay lulusot bilang isang batas, aba kikilalanin nang legal ang mga nagpakasal na mga tomboy at bakla sa Pilipinas, at karamihan sa mga iyan ay taga-showbiz. Hindi ba dumarayo pa nga sila sa abroad para lamang magawa ang kanilang “kasal-kasalan”?
Ewan lang kung ano naman ang magiging reaksiyon ng mga grupong relihiyoso, maging ano mang sekta sa ipinapanukalang iyan ni Alvarez. Kahit na sino, puwedeng makipag-live in nang legal. Wala nang mga kabit. Iyong civil status, daragdagan na lang ng “in civil union”. In effect, bale wala na ang batas sa kasal. Ang kuwento nga sa amin niyong isang araw nagpapalakpakan iyong mga bakla sa isang network eh.
Nagbubulungan naman iyong mga tomboy na mukhang excited din.
Ang maaari nga lamang ibunga niyan ay iyong tuluyang pagbagsak ng moralidad, lalo na nga sa showbusiness na napakaraming mga bakla at tomboy.
Taga-showbiz din naman kami, pero hindi namin ikinatutuwa ang panukalang batas na iyan at sana umiral ang matinong kaisipan sa pagtalakay sa panukalang iyan. Huwag naman kayong gumawa ng batas na ganyan. Marami ng mga artistang lalaki na kabit ng mga bakla.
Marami na ring mga artistang babae na kabit ng mga tomboy. Huwag na nating sabihin na ok lang iyan, legal na iyan.
HATAWAN – Ed de Leon