NANALO na ba si Sarah Geronimo ng isang acting award? Wala pa kaming natatandaan yata. Kasi ang mga pelikula naman ni Sarah, iyong simple lang ang kuwento, simple lang ang character na siya namang nagugustuhan sa kanya ng mga tao. Kung sasabihin siguro natin na mas sikat na ‘di hamak si Sarah kaysa ibang superstars na naturingan diyan may magagalit na naman. Pero isang katotohanan na maraming pelikulang nag-aabang kay Sarah dahil kumikita ang mga pelikula niya.
Mas marami ang nagpo-produce ng concerts ni Sarah kahit na napakalaki ng talent fee niya, dahil lahat ng concerts niya ay dinudumog ng fans.
Bakit ba si Sarah na naman ang leading lady ni John Lloyd Cruz sa Finally Found Someone eh ilang ulit na silang nagsama sa isang pelikula? Simple lang ang sagot diyan, lahat ng ginawa nilang pelikula ay naging malalaking hits at ang gross sales ay walang bumaba sa P350-M.
Kung ganyan ba kalakas ang batak sa takilya ng mga artista mo, puwede nga bang hindi mo pagawin ng pelikula? Para kang manok na nagtampo sa palay.
Samantalang iyong ibang mga artista, bagsak presyo na nga sa presyong talipapa ang talent fee, hindi pa rin maigawa ng pelikula. Kasi sino ba naman ang mamumuhunan sa isang pelikulang hindi naman kikita?
Ibahin na ninyo iyang mga indie, dahil talaga namang hindi kikita iyan kahit na mang-agaw pa sila ng festival. Iyang gumagawa ng indie, ang habol lang niyan maipalabas ang mga pelikula nila sa mga festival sa abroad, kahit na hindi kumita, basta maipalabas sa abroad kung may festival. Hindi maibebenta roon ang mga pelikula nila. Ang inaasahan nila, baka may kumuha sa kanila sa abroad bilang director o artista kaya. Rito sa atin, handa nang magpalugi iyang mga iyan. Alam naman nila from the start na hindi sila kikita. Tingnan ninyo, ilang indie stars na ang nanalo ng awards sa abroad. Pero ang mga pelikula ba nila kayang ilaban ng sabayan sa pelikula ni Sarah? Hindi ba totoo namang mas kilala pa ng mga tao siSuper Tekla kaysa roon kina Hasmine Killip at Terry Malvar na hindi halos alam ng mga tao ang hitsura? Dapat nating pag-isipan iyan.
HATAWAN – Ed de Leon