SUNOD-SUNOD ang pelikula ngayon ng indie actor na si Tonz Are. Siya ay tubong Koronadal City at bukod sa pag-aartista ay may mga negosyo na ring naipundar. Mayroon din si-yang business na Artizent perfumes na available online at Tapsilogan sa Anonas, Quezon City. Si Tonz ay scholar sa Ateneo, na nag-graduate ng kursong BS Management. Mula elementary hanggang college ay scholar siya dahil sa pagiging player ng badminton.
Sa ngayon ay siyam ang indie films na kasali siya. “This year, nine po ang films ko. Kabilang po rito ang Ang Mga Munting Pag-asa ni Direk Edmer Guanlao, Tres by Direk Carlo Alvarez, Ngato from Direk Bong Bordones, Gala ni Direk Joel Mendoza, Moonlight Flowers ni Direk Ron Sapinoso, Math-tatakutin by Direk Dave Cecillio at ang Lana, Lubong, at Maranhig na lahat ay from Direk Marvin Gabas,” panimulang kuwento ni Tonz.
Sa tingin mo, itong taon ang pinaka-productive mo dahil siyam na pelikula na ang nagawa mo ngayon, kahit July pa lang? “Yes po, kasi ay hindi ko ine-expect na siyam agad ang film na nagawa ko, and mayroon pa pong coming na film na gagawin ko.
Dagdag niya, “Sobrang blessed po, hindi ko po ine-expect na mangyayari ito. Na darating ang maraming blessings na tulad nito.”
Ang iba pang naunang pelikula ni Tonz ay Night shift, Notbuk, Silangan, Nanay Krisanta, Sitio Dolorosa, Panaginip, Play Ground, Makata, Mangkukulob, Udyok, Lamat, at iba pa.
Si Tonz ay regular din na napapanood sa 700 Club Asia sa GMA-7 para sa re-enactment ng mga istoryang napi-feature roon.
Ano sa tingin niya ang pinakamalaking role or movie na kanyang nagawa? “Iyong Sila-ngan po, dahil doon po ako nag-Best Actor para sa Inding-Indie filmfest. All in all, bale 35 films plus na po siguro ang nagawa ko, nag-start ako noong 2011.”
Gaano mo kamahal ang iyong showbiz career? “Sobra po, mahal na mahal ko talaga ang acting. Ang gusto ko talagang ma-achieve bilang artista ay magkaroon ng pangalan talaga at makilala talaga ako sa showbiz bilang magaling na actor. At sana ay ma-penetrate ko rin po ang mainstream at makagawa ako ng mga drama projects.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio