NAGPASAKLOLO sa Court of Appeals (CA) ang dating Manila chief prosecutor Edward Togonon na kamakailan ay sinuspendi ng Department of Justice (DOJ).
Matatandaang si Togonon ay nasibak sa puwesto kaugnay ng 4 senior citizen na hinihinalang biktima ng ‘tanim-droga’ at nakulong ng anim na buwan sa headquarters ng Manila Police District (MPD) sa kabila na ang inihaing kaso ay napaulat na ibinasura na ng Manila Prosecutor’s Office.
Hiniling ni Togonon sa CA na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) para pigilin ang pagpapatupad ng 90 days suspension order na ipinataw ni Sec. Vitaliano Aguirre II noong nakaraang buwan.
Palaban na dumulog si Togonon sa CA para harangin ang pagkakatalaga ni SoJ Aguirre kay Alexander Ramos bilang hepe ng Manila prosecutor’s office at ang rekomendasyon ng DOJ na sampahan siya ng mga kasong “gross neglect of duty, insubordination and conduct prejudicial to the best interest of the service.”
Kesyo si Ramos daw na ipinalit sa kanya, ani Togonon, ay ka-miyembro ni SoJ Aguirre sa Lex Talionis fraternity.
Ibig bang sabihin ni Togonon ay siya ang masusunod at pipili kung sino ang dapat ipalit ni SoJ Aguirre sa kanya?
“Dasalasa non-sense,” ‘ika nga ng nasirang komedyante na si Mang Nano!
Hindi ba si Togonon ay protégé at paboritong prosecutor ni suspected illegal drugs protector Sen. Leila de Lima kaya mula sa Muntinlupa ay nailipat siya sa Maynila?
Hindi ba totoo na kaya naitalaga si Togonon sa Maynila ay bunsod ng pagkakasampa ng naibasurang electoral sabotage case laban kay dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo sa Sandiganba-yan?
Sa tenor ng apela ni Togonon ay parang daig pa niya si SoJ Aguirre at ang kalihim ang dapat sumunod sa kanya.
Hindi ba maliwanag na insubordination ang tawag diyan?
‘Pag ang gagawin na lang ng mga umaabuso sa tungkulin ay tumakbo sa hukuman para kumuha ng TRO ay mababalewala ang public accountability ng mga nasa pamahalaan.
Iniiwasan ba ni Togonon na harapin ang pro-seso laban sa kanya kaya napasaklolo sa CA, imbes patunayang wala siyang kasalanan?
Patunayan muna ni Togonon na mali ang mga paratang laban sa kanya bago siya tumakbo sa hukuman.
Duda tuloy ng ilan, gusto lang iwasan ni Togonon ang kanyang mga kaso at igiit ang kanyang sarili sa puwesto.
Paano pa maipatutupad ang disiplina kung ang mga umaabuso sa pamahalaan ang masusunod at kakatigan ng hukuman?
Sa malimit na pagkakataon kasi ay ginagamit ng iba ang pagkuwestiyon sa technicalities kaya tumatakbo sila sa hukuman para palusotan ang public accountability.
Hindi ba kahit sa pribadong tanggapan man ay may accountability na dapat panagutan ang mga kawani kapag may nagawang paglabag?
Dapat munang siguruhin ni Togonon na sa kanyang panahon bilang chief prosecutor ay walang nabaluktot o napolitikang resolusyon sa Maynila para pumabor sa mga maimpluwensiya.
Ayon kay Togonon, isa siya sa pinagsususpetsahang nasa likod ng demolition job laban kay SoJ Aguirre.
Bakit, hindi ba totoo?
TUGON NG SSS
SA SUMBONG
PINASASALAMATAN natin si MS. MA. LUISA P. SEBASTIAN, assistant vice president for media affairs ng Social Security System (SSS), sa maagap na pagtugon sa sumbong ng isa nating kababayan mula sa Cagayan de Oro na itinampok natin sa pitak na ito, kamakailan.
Narito po ang liham (may petsang July 10, 2017) ni Ms. Sebastian na agad din nating ipi-naabot sa nagparating ng reklamo laban sa employer ng kanyang mister na hindi ibi-nabayad ng kontribusyon sa SSS ang kanyang mga empleyado:
“Ito ay bilang tugon sa isinulat ni G. Percy Lapid sa kanyang pitak na may pamagat na, “Attention: DOLE at SSS” na nailathala sa noong Hulyo 5, 2017.
Isinulat ni G. Lapid ang ukol sa reklamo ng isang empleyado ng Flying V Kauswagan Highway sa paghuhulog ng SSS contributions ng nabanggit na kompanya.
Ayon sa live-in partner ng di-nagpakilalang empleyado ng Flying V Kauswagan Highway, pitong taon na nagtrabaho ang kanyang asawa sa Flying V ngunit ng nag-check sila sa SSS ay walang remittance.
Ipinagbigay-alam na namin sa SSS Caga-yan de Oro Branch ang kanyang reklamo. Iminumungkahi rin namin na siya ay maghain ng non-remittance complaint sa SSS Cagayan de Oro Branch para maimbestigahan ang Flying V Kauswagan Highway. Magdala siya ng payslip at company ID o anumang katibayan ng kanyang pagtatrabaho sa kompanya.
May rule on anonymity ang SSS kung saan hindi ibubunyag ang pangalan ng nagrerekla-mong miyembro kaya hindi siya dapat matakot na maghain ng reklamo.
Kung makitaan ng paglabag ang inirereklamong kompanya sa mga responsibilidad nito sa SSS, sila ay mahaharap sa kasong paglabag sa Section 28(e) ng Republic Act 8282 o ang Social Security Act of 1997 at pagbabayarin ng kanilang obligasyon sa SSS.
Sana ay mabigyan ninyo ng puwang sa inyong pahayagan ang paglilinaw na ito.
Salamat po.”
Kailangan pa natin ang maraming tulad ni Ms. Sebastian na tumutupad sa kanyang tungkulin para mailapit ang pamahalaan sa mamama-yan.
Ituring po ninyo na katuwang sa paglilingkod ang pitak na ito at ang ating malaganap na programang ‘Lapid Fire’ sa Radio DZRJ (810 Khz/AM), na napapakinggan gabi-gabi, 10:30 pm – 12:00 mn, Lunes hanggang Biyernes.
Mabuhay!!!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid