MALAKI ang tiwala ni Piolo Pascual sa konsepto ng pelikulang ipinrodyus niya at nina Bb. Joyce Bernal at Erickson Raymundo ng Spring Films, ang Kita Kita kaya pinanindigan niya ito.
Sa presscon ng Kita Kita noong Martes, sinabi ni Piolo na, “Ako kasi risky akong tao eh. Kapag naniwala ako sa isang proyekto, kasama pati batok,” esplika niya. ”So, regardless of the outcome. Of course you want it to succeed, basta naniwala ka sa isang konsepto paninindigan ko ‘yun to the end, especially with people working with you who believe in the project.”
Ang Kita Kita ay pinamahalaan ni Sigrid Andres Bernardo, director ng Ang Huling Chacha ni Anita at Lorna at pinagbibidahan nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez.
Ang AlEmpoy, ang magbibida sa romantic millennial film ukol sa OFWs na kinunan pa sa Hokkaido, Japan.
Ani Piolo, kailangan din niyang sumagal sa ilang bagay bilang artista.
“Sa pelikulang ito, kasama na sa responsibilidad natin bilang miyembro ng entertainment industry na gumawa ng mga pelikula na puwede nating ipagmalaki hindi lang dito, kundi sa ibang bansa,” sambit ng actor.
Idinagdag pa ni Piolo na ang Kita Kita ay kontribusyon niya sa Pelikulang Filipino. Nais kasi niyang makagawa ng mga pelikulang hindi nakakahon o ‘yung limitado. ”So we’re just really happy that we’re able to come up with concepts like this na puwede nating paglaruan at ipagmalaki.”
Ang Kita Kita ay mapapanood na sa July 19 mula sa Spring Films at Viva Films.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio