BASE sa sikat na Wattpad story at best selling novel ng Precious Pages na inakda ni Jason Argonza ang Bloody Crayons na ukol sa magbabarkada sa kolehiyo na pupunta sa isang isla para mag-shoot ng isang horror short film.
Ito ay kinuha para sa pelikula ng talented writing team nina Carmel Josine Jacomille, Rogelio Panahon Jr., Justine Reyes de Jesus, Kenneth Lim Dagatan, at John Paul Abellera. Pinagsama-sama ng Star Cinema ang anim na pinakamalaki, pinag-uusapan, at trending na kabataang artista na sina Janella Salvador, Elmo Magalona, Sofia Andres, Diego Loyzaga, Jane Oineza, Maris Rascal, Yves Flores, Empoy Marquez, at Ronnie Alonte para bigyang buhay ang ‘di malilimutang mga tauhan ng nobela.
Ayon sa Star Cinema, tiyak na matutuwa ang mga die hard fan ng Bloody Crayonsdahil totoong kilabot at kaba ang hatid ng kuwento dahil sa kapana-panabik na hangarin ng grupo na maisahan at mahuli ang nais pumatay sa kanilang lahat.
Ipinakikita sa pelikula ang iba’t ibang uri ng karakter na maaaring makita sa kahit anong barkadahan.
Sa pamamagitan ng modern na atake, ang Bloody Crayons ang tiyak na aabangang pelikula sa genra ng suspense/slasher/thriller sa Philippine cinema dahil isang nakatitindig balahibo ang pelikula na may komplikado at unpredictable na plot twists na pananatilihin ang mga manonood sa kahuhula kung sino ba talaga ang killer.
Nais ding ipakita ng pelikula ang bahagi ng buhay na susubok sa tatag ng tunay na pagkakaibigan.
Ididirehe ito ni Topel Lee at mapapanood na sa Hunyo 12.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio