SUGATAN ang driver ng L300 van makaraan sumalpok sa isang kotse sa eastbound lane ng Marcos Highway, nitong Lunes ng madaling-araw.
Ayon sa ulat, ang driver na si Val Veniega ay galing sa kanyang negosyong beerhouse at may kargang mga bote ng alak sa minamanehong L300 van.
Papunta ng Marikina City si Veniega ngunit pagliko sa U-turn slot ay sumalpok nang malakas sa dumaraang kotse, na ayon sa ilang saksi ay matulin ang takbo.
“May pasahero ako kanina papunta ako sa Antipolo. Nakasalubong ko ‘yung kotse, mabilis tapos ‘yun ang nangyari. Nandoon ako sa may stoplight ng Masinag. Ang lakas ng kalabog,” ayon sa saksing si Jorico Macawile.
Makaraan sumalpok sa van, nagpaikot-ikot pa hanggang sa susunod na kanto ang kotse, na minamaneho ng isang Pauleen Mesina, bago tuluyang huminto.
Wasak ang parehong kotse at nagkalat sa kalsada ang mga bubog dahil sa nagkabasag-basag na bote mula sa dalang van ni Veniega.
Ayon kay Julius Mancenito, rescue volunteer, madalas maaksidente ang mga sasakyan sa may U-turn slot na iyon sa bahagi ng Marcos Highway dahil sa mga umo-overtake o kotseng mabilis ang takbo.
Ligtas ang driver ng kotse ngunit napag-alaman ng pulisya na lasing at walang maipakitang lisensiya.