MANILA – Tumulak papuntang Marawi City nitong Lunes ang mga miyembro ng Regional Public Safety Batallion ng Calabarzon Police para tulungan ang puwersa ng pamahalaan na nakikisagupa sa Maute terror group.
Sinabi ni Calabarzon Police director, Chief Supt. Mao Aplasca, katumbas nang ipinadalang police contingent ang halos isang batalyon.
Sila ay nakabase sa Camp Macario Sakay sa Los Baños, Laguna.
Pamumunuan aniya ni Chief Insp. Crispin Mangupag at siyam iba pang opisyal ang grupo.
Dagdag ni Aplasca, maituturing na tactical unit ang RPSB kaya sanay ang mga tauhan nito sa urban warfare at internal security operations tulad ng nangyayari sa Marawi.
Gayonman, nilinaw ni Aplasca, hindi makikipagbakbakan sa mga terorista ang mga pulis ng Region IV-A.
Sa halip, gagampanan nila ang law enforcement functions tulad ng pagmando ng check points, pagtiyak ng seguridad at pagsasagawa ng search and rescue operations.
Minsan nang naipadala ang RPSB sa Lanao del Sur at Maguindanao bilang peacekeeping force nitong May elections.