NAGSALITA na ang Palasyo at mismong si Pangulong Rodri-go “Digong” Duterte ay nagsabi na tatalima sila sa kung anong magiging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa pagkuwestiyon sa idineklarang martial law ng pangulo sa buong Mindanao.
Kung sasang-ayon ang Korte Suprema sa mga kumuwestiyon sa naging hakbang ni Duterte, dali-dali niyang aalisin ang tropa ng pamahalaan sa Marawi City, tutal nga naman walang nakikita ang Korte Suprema na umiiral na rebelyon.
At sa sandaling mangyari ngang paalisin ni Duterte sa Marawi City ang bulto ng mga sundalo na lumalaban sa mga teroristang Maute, dapat ay maging handa ang grupo na mga nagpetisyon, kasama na ang mga mahistrado na pumabor sa kanila, na akuin ang responsibilidad kapag lalong naghasik ng gulo ang teroristang grupo.
Kailangang maging maingat ang Korte Suprema sa magiging hatol. Makita sana nila ang malalang sitwasyon na idudulot ng terorismo sakaling maibasura nga ang martial law.
At kung sakali ngang ibasura ito ng Korte Suprema, naniniwala tayo na hindi naman hahayaan ng pangulo na manaig ang terorismo sa rehiyon na kanyang pinanggalingan. Gaya nga ng sinabi niya, kahit pagtulung-tulungan pa siya, paulit-ulit niyang idedeklara ang martial law para malabanan ang terorismo, kahit paulit-ulit din siyang i-overrule ng Korte Suprema.