GAANO katatag ang Maute group sa paki-kipaglaban sa gobyerno?
Ipinakikita nila ang kanilang tapang na lalong pinalakas ng suporta na nakukuha mula sa mga dayuhang teroristang miyembro ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Ang kanilang samahan ay pinamumunuan ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute, dating tapat na tagasunod ng yumaong Hashim Salamat, na pinuno noon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Malapit din sila sa yumaong MILF leader na si Alim Abdulaziz Mimbantas dahil pinsan sila ng pa-ngalawang asawa nito.
Nang makauwi ang magkapatid na Maute sa bansa matapos mag-aral sa abroad ay nagsimula silang maghanap ng sariling tagasunod. Nakakita naman sila ng kaalyado sa mga grupong kri-minal.
Kasama si Zulkifli bin Hir alyas “Marwan” ay binuo nila ang Khilafah Islamiyah Mindanao (KIM). Nabuwag nga lamang ang grupong ito nang mapaslang si Marwan sa pagsalakay ng mga pulis sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 2015.
Inilipat ng Maute ang katapatan nito sa ISIS at nakiisa kay Isnilon Hapilon, na pinuno ng Abu Sayyaf at itinalagang lider ng ISIS sa Filipinas. Inaprubahan ng naturang international terror group ang ginawa nilang pananalakay sa Marawi City.
Idagdag pa rito ang suporta ng puwersa na hawak ni Hapilon, na may patong na $5 milyon sa ulo nang dahil sa pagkakasangkot sa pagdukot sa mga dayuhang Amerikano sa isang resort noong 2001 at pagpugot sa isa sa kanila.
Pero ano man ang ipinagmamalaki ng Maute group na lakas ng nakukuhang suporta ay iba na ang sitwasyon ngayong nahuli at hawak na ng gobyerno ang kanilang mga magulang.
Ang ama nilang si Cayamora Maute ay nahuli sa isang checkpoint sa Davao City nitong Martes habang kasama ang kanyang pangalawang asawa na si Kongan Balawag, anak na babaeng si Norjannah Balawag Maute at manugang na si Benzarali Tingao.
Nitong Biyernes naman ay inaresto ang kanilang ina na si Ominta Romano Maute alyas “Farhana” sa Masiu, Lanao del Sur. Bumibili ng mga sasakyan at karagdagang armas para sa mga anak at kanilang tauhan para makatakas sa Marawi.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang ipa-rating ni Farhana kay President Duterte ang kagustuhang makipag-usap kaugnay ng nagaganap na kaguluhan sa Marawi City, pero tahasan itong tinanggihan ng Pangulo.
Sumasang-ayon ang Firing Line kay Duterte sa puntong ito. Mag-usap kapag tapos na ang giyera. Napakaraming sundalo at pulis na ang nasawi. Dapat tuldukan ng gobyerno ang terorismo ng Maute agad-agad.
Hanggang saan ba ang itatagal ng Maute group?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.