INIIMBESTIGAHAN ang anggulong third party sa pagpaslang sa alkalde ng Buen Unido sa Bohol na si Gisela Boniel.
“Since late last year, meron nang hindi pagkakaintindihan ang mag-asawa… mga problema sa pamilya, mga utang, at may third party na lumalabas. Ito ‘yung sabi no’ng board member,” ani Chief Supt. Noli Taliño, hepe ng pulisya sa Central Visayas.
“Lumalabas sa investigation natin, ‘yung third party ay isang foreigner,” dagdag ni Taliño.
Pangunahing suspek sa pagpaslang ang asawa mismo ng biktima na si Niño Rey Boniel, isang board member sa naturang bayan.
Ayon sa mga imbestigador, bagama’t hindi pa nakikita ang baril na ginamit sa pagpatay sa mayor, inamin ng suspek na nagbabalak na ang alkalde na makipaghiwalay sa kanya bago pinatay ang biktima.
“Hindi na raw umuuwi si Mayor Boniel, palaging naka-leave at parang napapabayaan iyong kanilang bayan… Balak nang mag-resign ni Mayor Boniel at magpa-file na ng annulment,” ani Taliño.
Sumailalim sa psychological test ang alkalde isang araw bago mapaslang sa Bohol. Pinaniniwalaan ng mga imbestigador na gagamitin ang psychological exam sa paghahain ng annulment.
Patuloy na iniimbestigahan ang kaso ng mag-asawa.
Kung mapatunayan na sangkot sa pagpatay, haharap sa kasong parricide ang kanyang mister.
Kabilang din sa inaresto kaugnay sa insidente ang pinsan ni Niño Rey na si Kevin, at ang driver na si Randel Lucas.
Magugunitang makaraan dukutin ng mga suspek ay pinagbabaril ang biktima at itinapon ang bangkay sa dagat nitong Miyerkoles ng gabi.
Patuloy pang hinahanap ng mga awtoridad ang bangkay ng biktima.