ISINAILALIM sa imbestigasyon ang ilang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil sa mali nilang pag-dispose sa nasabat na ilegal na droga.
Ayon sa ulat, nagkaroon ng greyhound operation sa Metro Manila District Jail (MMDJ), sa pamumuno ni Jail Inspector Rene Cullalad, at nakompiska ang siyam sachet ng shabu.
Imbes dalhin sa safekeeping, itinapon ang mga nasabat na ebidensiya sa toilet bowl.
Sa memorandum na pirmado ni Jail Senior Supt. Alberto Balauag, ang OIC ng Directorate of Operations, inatasan niya si Jail Supt. Romeo Elisan Jr., ang regional director ng BJMP-NCR, na magpaliwanag kaugnay sa kabiguan ng kanyang mga tauhan na i-dispose nang tama ang mga droga.
Ngunit ayon sa isang preso, hindi siyam ang nakompiska ng MMDJ kundi 50 sachet.
Duda ng mga awtoridad, maaaring ire-recycle ang 41 sanchet na hindi naideklara.
Samantala, 10 araw nang walang koryente sa bilangguan, at walang supply ng tubig, ito ang sinasabing dahilan ng pagkaburyong ng mga preso kaya nagkaroon ng noise barrage noong Martes, na humantong sa madugong riot.
Makaraan ang kaguluhan, muling hinalughog ang mga dormitoryo ng nga bilanggo, nagresulta sa pagkakakompiska nang aabot sa 50 armas.
Patuloy na naka-lockdown ang MMDJ.