MULING bubuksan ng ABS-CBN ang imortal na epic saga at papasuking muli ang mundo ng mga lobo at bampira sa pag-uumpisa ng inaabangang seryeng La Luna Sangre tampok ang number one loveteam ng bansa na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla kasama sinaAngel Locsin, John Lloyd Cruz, at Richard Gutierrez.
Mamarkahan ng seryeng ididirehe ni Cathy Garcia-Molina ang pagbabalik telebisyon ng KathNiel matapos ang matagumpay nilang seryengPangako Sa Yo at box-office hit na Can’t Help Falling in Love na binansagan silang P1 billion love team.
Sasabak din sa kanyang unang serye sa ABS-CBN ang pinakabagong Kapamilya na si Richard na gaganap bilang si Sandrino, ang hari ng mga bampira na hahadlang sa pag-iibigan ng mga karakter nina Malia (Kathryn) at Tristan (Daniel).
Inaabangan na rin ang espesyal na partisipasyon nina Angel at John Lloyd na siyang magsisilbing tagahabi ng istorya mula sa Imortal patungo sa La Luna Sangre.
Iikot ang epic saga sa bagong propesiya na tinatawag na La Luna Sangre na itinakdang supilin ng anak ng pinakamakapangyarihang bampira at ng itinakdang lobo ang kasamaan ng bampirang may tatak ng sumpang tinta.
Lingid sa kaalaman nina Mateo (John Lloyd) at Lia (Angel) na sila ay guguluhin ng naturang propesiya. Tahimik na sana ang sinumulan nilang simple at mas mapayapang buhay bilang mga mortal, nang biglang maghasik ng lagim ang bampirang si Sandrino (Richard). Nais nitong pigilan ang propesiyang patungkol sa pagkakasupil sa kanya at para gawin iyon ay kailangan niyang patayin ang anak nina Mateo at Lia na si Malia, ang pinaniniwalaang bagong itinakda. Gagawin ng mag-asawa ang lahat para protektahan si Malia kahit wala na itong mga kapangyarihan ngunit sa huli, magagapi sila ng kampon ng kasamaan.
Lilipas ang panahon at lalaki si Malia sa piling ng mga lobo at bampira. Umaasa ang kanilang lahi na siya na nga ang itinakda. Ngunit mabibigo ang lahat nang hindi lumabas ang kanyang kapangyarihan sa kayang ika-21 kaarawan—isang mahalagang signos para masabing siya ang kanilang tagapagligtas.
Dala ng kahihiyan, tatalikuran ni Malia ang kinagisnang mundo at makikipagsapalaran sa mundo ng mga tao. Rito niya makikila si Tristan (Daniel), isang binatang buong buhay na hinahanap ang bampirang pumatay sa kanyang ama. Sa paglalapit ng kanilang mga loob, maging susi kaya si Malia sa katarungang hinahanap ni Tristan? Magbalik pa kaya si Malia sa mundong kanyang iniwan at tuparin ang nakatakda sa propesiya? Paano kaya makaaapekto ang propesiya sa namumuong pagtitinginan nina Malia at Tristan?
Ang La Luna Sangre ay nilikha sa ilalim ng produksiyon ng Star Creatives, ang produksiyon sa likod ng matatagumpay na serye tulad ng Lobo, Imortal, Got to Believe, Pangako Sa Yo, Forevermore, Dolce Amore, Pusong Ligaw, at A Love to Last .
Pakaabangan ang La Luna Sangre malapit na sa ABS-CBN.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio