HINDI kataka-takang hangaan ang isang Anthony Hernandez dahil mula sa pag-aalaga ng mga artista, nakagawa siya ng short film, at nabigyang pagkakataong makagawa ng full length film.
Hindi rin basta-bata pelikula ang ginagawa ng isang Anthony Hernandez dahil karamihan dito’y advocacy film. Kaya naman siguro hindi rin malayo na alukin siyang gumawa ng teleserye.
Subalit ayon nga kay Direk Hernandez, mawawalan siya ng oras para gumawa ng mga pelikulang tulad ng ipalalabas sa Setyemre, ang New Generation Heroes kung pagtutuunan niya ang paggawa ng teleserye.
“Pero, hindi ko naman talaga tinatanggihan ang pagte-teleserye. Siguro tatapusin ko muna itong mga natanguan kong project, tapos tingnan natin, aayusin ko muna ang schedule ko,” sambit niya sa amin nang makausap sa pocket presscon ng pelikulang handog ng Golden Tiger Films na tinatampukan nina Anita Linda, Aiko Melendez, Joyce Peñas, at Jao Mapa.
Nakilala si Direk Hernandez sa paggawa ng mga advocacy films tulad ng A Passion of Journey, istorya ukol sa human organ trafficking na pinagbidahan ni Matteo Guidicelli.
Nakawalong pelikula na si Direk Hernandez kasama rito ang Buhay Nanay, Surrogate Mother, No Read No Write, at Tell Me Your Dreams. Ang huli ay pinagbibidahan din ni Aiko at ukol sa teacher na nagturo sa kabundukan at kinalinga ang mga katutubo.
Tulad ng Tell Me Your Dreams, ukol din sa istorya ng mga guro ang bago niyang handog na pelikula, ang New Generation Heroes, dahil aniya, ”Ang ‘Tell Me Your Dreams’, talagang tribute namin sa teachers and indigenous people, kaya luckily nakuha namin si Aiko for that movie and happy naman kami sa kinalabasan. Napakahusay kasi talaga niya, saludo ako sa galing niya, kaya nasundan pa siya ng ‘New Generation Heroes’.
“Ang ‘New Generation Heroes’ kasi is based on true events. Ito ay nagpapakita ng apat na klase ng mga guro, na may kanya-kanyang kuwento. Makikita rito sina Salvacion Fajardo, Gener, Lolita, at Cora, ang apat na indibidwal na humaharap sa iba’t ibang pagsubok at pakikibaka sa buhay. Kung paano sila magpapakita ng katatagan ay siyang titimbang sa kanilang pagkatao. At kung paano sila gumawa ng desisyon sa bawat pagsubok ay siyang sasalamin kung paano sila hinubog ng panahon at mga leksiyon na natutuhan nila sa kanilang buhay, na sa kabila ng pagiging ordinaryong tao, ay matatawag din silang mga bayani ng makabagong henerasyon.”
Kasabay ng New Generation Heroes, tinatapos din ni Hernandez ang Ang Kuwento ng Piso na pinagbibidahan naman ni Empoy.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio