HANGGANG ngayon ay may agam-agam ang marami kung nararapat magdeklara ng martial law si President Duterte sa buong Mindanao.
Ang ugat nito ay kapalpakan ng puwersa ng gobyerno na mahuli si Isnilon Hapilon, isang pinuno ng Abu Sayyaf at lider umano ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Southeast Asia, na wanted hanggang sa Amerika dahil sa pagi-ging terorista.
Nalaman ng mga awtoridad na nagpunta si Hapilon sa Marawi at nagtatago sa isang bahay upang magpamot. Ngunit nang salakayin nila ito ay ginulat sila ng dose-dosenang armadong lalaki na biglang nagsulputan upang protektahan si Hapilon.
Ito ang sanhi ng kaguluhan sa pagitan ng mga awtoridad at teroristang Abu Sayyaf at Maute group sa Marawi, na kinikilalang sentro ng Islam sa isang bansa na karamihan ng mamamayan ay mga Katoliko.
Kahit nasa Russia ang Pangulo sa isang pagbisita ay agaran siyang nagdeklara ng martial law sa buong Mindanao upang mailigtas ang sitwas-yon, at ang puwersa ng gobyerno na naiipit sa tuloy-tuloy na bakbakan.
May nagtatanong kung paano ito nakalusot sa mga mambabatas kung dalawa sa mga insidente na tinukoy ni Duterte upang bigyan ng katuwiran ang martial law ay naulat na hindi totoo?
Isa na rito ang sinabi ng Pangulo na ang Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City ay sinakop ng grupong Maute noong Mayo 23. Kasama itong nakatala sa proklamasyon na nagdedeklara ng martial law sa Mindanao.
Pinabulaanan ito ng mismong medical chief ng ospital na si Doctor Amer Saber sa ulat ng GMA News. Wala raw pambibihag na naganap at hindi naitaas ng mga terorista ang bandera ng ISIS sa kanilang lugar.
Isa pang insidente na tinukoy ng Pangulo ay naroon daw sa Marawi City ang hepe ng pulisya ng Malabang nang harangin sa checkpoint ng mga terorista at pugutan ng ulo.
Pero sa panayam sa telepono ng Philippine Daily Inquirer ay nagpahayag si Senior Inspector Romeo Enriquez na buhay pa siya. Isa raw sa napatay na pulis sa bakbakan ay si Senior Ins-pector Manuel Solar na dating hepe ng Malabang police, pero ito ay nabaril at hindi pinugutan ng Maute.
Sinasabing mayaman ang lupa ng Mindanao pero ang 11 sa 20 pinakamahirap na lalawigan ay matatagpuan dito. Ito ay bunga ng kaguluhan na ilang dekada nang umiiral sa lugar, at kakula-ngan umano sa budget na nakukuha nito mula sa gobyerno.
Ngayon ay napailalim pa sila sa batas militar.
Hangad ng Firing Line na makamit ng Min-danao ang kapayapaan na matagal na nitong hinahanap.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.