Batas na pahirap sa mamamayan?!
Jerry Yap
May 19, 2017
Bulabugin
OPISYAL nang ipinatupad ang “The Anti-Distracted Driving Law” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon.
Sa ilalim ng nasabing batas, ilegal na ang instilasyon ng kahit anong device sa harapan ng driver. Ang mga lalabag ay maaaring patawan ng P20,000 multa at rebokasyon ng lisensiya.
Layunin umano ng nasabing batas na huwag magambala ang paningin ng driver habang siya ay nagmamaneho lalo’t marami umanong aksidente sa kalye na ang dahilan ay paggamit ng gadget o mobile phone.
Ipatutupad umano ang batas na ito sa lahat ng uri ng sasakyan gaya ng PUVs (public utility vehicles), pribado, sasakyan ng gobyerno, bisekleta at motorsiklo, skateboards, kulilig, tricycles, at kahit sa mga kalesa. Ganoon din umano sa motorized wheelchairs at mga habal-habal.
Ibig sabihin lahat ng sasakyan na minamaneho o pinaandar ng tao upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero at pedestrian na nagyayaot sa kalsada.
Maliban (o hindi kasama rito) ang mga driver na nagmamaneho ng ambulansiya, firetrucks at iba pang sasakyan na pang-emergency.
Uy, bagong batas na naman?!
Pabor tayo sa layunin na para maging ligtas ang mamamayan lalo ang mga pedestrian at motorista.
Pero… yes may malaking pero!
Ang gumawa at gustong magpatupad ng batas na ito ay hindi naiintindihan o hindi nakikita ang kalagayan ng bayang motorista.
Parang hindi nabubuhay sa kasalukuyang electronic world (e-world). At may suspetsa tayo na kaya hindi nareresolba ang problema ng masikip, magulo at prehuwisyong trapiko sa bansa ay dahil hindi naman talaga nauunawaan ng kinauukulang ahensiya ang pinag-uugatan nito?!
Ano ang kaugnayan sa pagluluwag ng trapiko sa Metro Manila sa pagbabawal na maglagay ng gadgets o mobile phone sa dashboard?
Overacting na ‘ata ‘yan!
Hindi natin alam kung galit sa UBER o sa GRAB ang gumawa ng batas o IRR na ito.
Kung bawal na, paano na ang gagawin ng mga gumagamit ng Google Map at Waze?!
Hindi ba malaking tulong ito dahil itinuturo ng Waze kung saan ang kalsadang maluwag at hindi masikip ang trapiko?!
Ganoon din naman ang Google Map na malaking tulong sa paghahanap agad ng lugar.
Hindi ba alam ng mga opisyal ng ating pamahalaan, na sa mga bansang mauunlad gaya ng Hong Kong, Taiwan, Singapore, Japan at Korea, ang mga taxi ay may GPRS, mobile phone at iba pang gadget na nakatutulong sa paghahanap nila ng lokasyon?!
Kung tutuusin nga, mas delikado pa kung nasa ibaba ang GPRS o mobile phone dahil nawawala sa kalye ang mata ng driver.
Hindi rin kaya, alam ng mga taga-MMDA na dahil sa matinding trapiko sa kalye, marami sa mga negosyante ay ginagawa na ang kanilang transaksiyones (sa pamamagitan ng mobile phone) habang naiipit sila sa prehuwisyong trapik?!
‘Yung iba nga gumagamit ng Bluetooth na headset para hindi sila maabala sa pakikipag-usap sa mga kliyente nila.
Kaysa nga naman maubos ang oras nila sa trapik, mas mabuti na magtrabaho na sila sa loob ng sasakyan nila.
Bakit hindi batas kung paano luluwag ang trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila ang ipasa ng mga mambabatas?!
Bakit hindi ‘yang mga illegal terminal gaya sa Lawton ang hulihin at linisin ninyo?!
Sa gustong magpa-impress kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, kung ano-anong batas ang naiimbento — kahit sukdulang pahirap naman sa sambayanan.
At ang batas na ito ay absoluto!
Kahit daw nakahinto ang sasakyan o kahit trapik ay hindi maaaring gamitin ang gadgets o mobile phones.
Wattafak!?
E ano pa pala ang silbi ng teknolohiya sa ating bansa kung ipagbabawal ang paggamit ng gadgets at mobile phone habang naiipit sa trapiko ang isang motorista?!
MMDA Chairman Tim Orbos, ang kyut, kyut po ninyo, ang henyo-henyo ninyo, ang tali-talino pa ninyo!
Sana huling talino na po ‘yang ginagawa ninyo, kasi napeprehuwisyo ang mamamayan sa talino ninyo!
‘Yun lang!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap