Friday , December 27 2024

Bulok na health care system sa bansa titino ba sa Anti-Hospital Deposit Law?

SINUSUGAN ang Republic Act No. 8344 (An Act Penalizing the Refusal of Hospitals and Medical Clinics to Administer Appropriate Initial Medical Treatment and Support in Emergency or Serious Cases) ng Senate Bill No. 1353 na inihain ni Senator Riza Hontiveros para pabigatin ang parusa sa mga ospital/medical clinics na lalabag sa batas na ito.

Ito po ‘yung batas na nagbabawal sa paghingi muna ng deposito sa mga pasyente o kaanak ng pasyente bago lapatan ng lunas lalo sa emergency situations.

Kung tutuusin ang RA 8344 ay amyenda na sa Batas Pambansa Blg. 702 (An Act Prohibiting the Demand of Deposits or Advance Payments for the Confinement or Treatment of Patients in Hospitals and Medical Clinics in Certain Cases).

Mantakin ninyo, puro susog at amyenda na pala ang mga batas na ‘yan pero sa realidad ay hindi naman nangyayari?

Ilang kaso na ba na ang pasyenteng walang pera ay hindi tinatanggap ng mga pribadong ospital kapag walang pangdeposito?

Huwag na po kayong tumanggi.

Kasi ang puwede lang pumasok sa ospital nang walang deposito e ‘yung kilalang may kuwarta o kaya ay may garantiya ng doktor nila na stockholder sa ospital, otherwise, lumipat na lang sa public hospital.

At kahit nga naka-health card ang pasyente, hindi rin agad inaasikaso hangga’t hindi nate-check o nagbibigay ng garantiya ang health insurance company.

Sa mga public hospital naman, kapag nasa emergency room, sandamakmak ang ipabibiling gamot at dextrose sa ‘yo, e paano nga kung walang pera ang pasyente at ang mga kaanak niya?!

Juice colored!

Wala naman tayong colonial mentality, pero masasabi nating malayong-malayo tayo sa Amerika kung public health system ang pag-uusapan.

Sa Estados Unidos, mahalaga ang buhay ng tao. Lahat ng residente (pati nga dayuhan) sa Amerika ay sakop ng makataong health service sa kanila.

Kapag nagkasakit lalo na kung emergency case, hindi sila mag-aalala na mamamatay silang hindi man lang nalapatan ng lunas. Kumbaga, patients in America died in peace, dahil alam nilang tinulungan sila ng kanilang gobyerno na labanan ang sakit bago sila tuluyang igupo.

Hindi gaya rito sa atin na tipong, “they just lie there and they die there.”

Kumbaga, hindi sasama ang loob ng isang  mamamayan na may terminal illness kung alam niyang may pagkalinga ang kanilang pamahalaan.

Dito sa ating bansa, kasabihan na ang mabuhay at mamatay ay isang malaking gastos.

Sa Amerika, mailuluwal ng isang babaeng walang trabaho ang kanyang sanggol, sa isang ligtas, malinis, at siguradong kalagayan.

Ibig sabihin, manganganak sila nang maayos at hindi miserable.

Sa mga ospital, may takdang oras ang pagbabantay o pagdalaw ng nag-iisang kapamilya o kamag-anak. At hindi puwedeng parang nagpi-picnic sa ospital ang buong pamilya kasi nga iniingatan nila na makapagdala ng virus o bacteria sa pasyente.

Sa gabi, tanging nurse lang ang puwedeng mag-asikaso  sa pasyente kaya hindi kailangan ang bantay.

Pero kahit walang kasama ang pasyente sa gabi, kapag tinawag niya ang nurse, dumarating kaagad.

Ganoon din ang doktor, anytime na gustong makausap ng pasyente ay puwede niyang makausap.

Dito sa atin, kapag nakapag-round na ang doktor at nagkaroon ng emergency ang mga pasyente sa charity ward, bukas na ulit sila magkikita ng doktor.

Ganyan po ‘kagaling’ ang public health system o health care sa bansa.

Hopefully, makatulong na nga itong ‘amyenda’ (na naman) sa anti-hospital deposit law.

At mangyayari lang kung makapagsasampol agad ang awtoridad sa pagpapatupad nito.

Aabangan po namin ‘yan.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *