INIHAYAG ng National Democratic Front, ang kanilang consultants, ang mag-asawang sina Benito at Wilma Tiamzon, ay sinundan ng isang grupo ng kalalakihan makaraan makipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang nitong nakaraang linggo.
Sinabi ni NDFP peace panel chair Fidel Agcaoili, makaraan makipagpulong kay Duterte, pinuntahan ng mag-asawang Tiamzon ang Lapanday farmers na nagtipon-tipon sa Don Chino Roces Bridge (dating Mendiola), ilang metro ang layo mula sa Malacañang Palace.
Nakipagpulong din si Duterte sa Lapanday farmers sa makasaysayang tulay sa nasabi ring araw.
Makaraan iwanan ang Lapanday farmers, napansin ng mag-asawa na sinusundan sila ng dalawang lalaking lulan ng RS motorcycle, na may plakang 2419, ayon kay Agcaoili.
“They tried to shake off their tail for about half an hour before deciding to return to the Mendiola camp out, from where friends and comrades helped them evade their pursuers. The Tiamzons noticed that the back rider was constantly talking to someone on his cellphone while tailing them,” dagdag ni Agcaoili.
Ayon sa NDFP peace panel chair, ang sumusunod na motorsiklo ay may back-up na apat pang kalalakihan, kinabibilangan ng dalawang team.
Aniya, mino-monitor ng nasabing kalalakihan ang galaw ng mag-asawang Tiamzon.
Dagdag ni Agcaoili, sinundan din ang mag-asawa nitong Marso, sa kanilang pagdating mula sa backchannel talks sa government’s peace panel members sa The Netherlands.
Aniya, “suspected military agents had interrogated the driver of a rented car used by the Tiamzons upon their arrival last January from the third round of peace negotiations.”
Inireklamo rin ng iba pang NDFP political consultants ang pag-surveillance sa kanila, kabilang sina Ruben Saluta, Concha Araneta, Tirso Alcantara, Ernesto Lorenzo at Kennedy Bangibang, ayon kay Agcaoili.
Aniya, ito ay paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantee (JASIG), na pumoprotekta sa NDF consultants na lumalahok sa peace talks, mula sa harassment, search, arrest, detention, prosekusyon at interogasyon.