HINDI nabigo ang Regal Entertainment para maging certified blockbuster ang pelikulang handog nila para sa Mother’s Day celebration, ang Our Mighty Yaya na pinagbibidahan ni Ai Ai delas Alas.
Pinatunayan din ni Ai Ai na nasa kanya pa rin ang korona kapag ukol sa mga ina ang ginagawa niyang pelikula dahil tumabo ang OMY sa opening day nito noong Miyerkoles na kumita agad ng P6-M.
Balitang tuwang-tuwa si Mother Lily Monteverde sa resulta ng OMY na ikinokonsiderang biggest earner ng Regal Films.
Nagpapasalamat din ang Comedy Queen dahil tinangkilik na naman ang kanyang pelikula.
Ayon nga kay Ai Ai, lagi niyang ipinagdarasal na kumita ang pelikula niya para na rin sa mga taong tinutulungan niya tulad ng kanyang pamilya mga pari, simbahan, at charities na binibigyan niya rin ng tulong.
Sa kabilang banda, masasabi naming talagang nag-evolve na ang acting ni Ai Ai simula nang gawin niya ang pelikulang Area na idinirehe ni Louie Ignacio. Tila naimpluwensiyahan siya ng challenging role na ginampanan niya sa award winning movie niyang ito.
Sa OMY hindi trying hard ang ginawang pagpapatawa ni Ai Ai at hindi ang magpatawa lamang ang kabuuan nito. Isang simpleng kuwento ng isang ina na gustong mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak. Kaya naman tiyak na marami ang makare-relate rito. May kurot din ito sa mga puso dahil sa madamdaming eksena.
Sa pagtabo ng Our Mighty Yaya, balitang marami na naman ang nag-uunahan para makuha ang serbisyo ng Comedy Queen.
Kay Ms. Ai Ai at kina Roselle at Mother Lily, congratulations po.