PERSONAL na nagpakita si dating First Lady at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos sa mababang kapulungan ng Kongreso, kasunod ng mga ulat hinggil sa kanyang pagkamatay.
Kabilang si Marcos sa mga unang dumating sa plenary session kahapon.
“Eto, buhay pa. Ganoon pa rin. Eto, nakakapasok pa ‘ko sa Congress saka nangunguna kami,” pahayag niya sa mga reporter.
Nang itanong kung may dapat ipangamba ang kanyang mga tagasuporta kaugnay sa kanyang kalusugan, umiling ang mambabatas.
Si Rep. Marcos ay magdiriwang ng kanyang ika-88 kaarawan sa 2 Hulyo.
Nang itanong kung ano ang kanyang birthday wish, sinabi ni Rep. Marcos, “July 2nd. Lahat ng ikabubuti ng bayan. Sana bigyan ako ng pagkakataon na makatulong para ‘yung aking panaginip sa bayan na ibalik ang paraiso sa ating bayan sa sambayanang Filipino mangyari, kasi nandidito lahat ang kayamanan at kagandahan kaya lang magkaisa-isa tayo.”
Nauna rito, itinanggi ng tanggapan ni Rep. Imelda Marcos ang ulat na binawian ng buhay ang dating Unang Ginang.
Sinabi ni Bebot Diaz, chief of staff ni Rep. Marcos, walang katotohanan ang mga ulat, katunayan nasa mabuting kondisyon ang dating Unang Ginang.
Kumalat ang ulat kaugnay sa sinasabing pagkamatay ni Rep. Marcos makaraan mag-tweet si dating Rep. Lani Mercado Revilla kaugnay sa kanyang pakikidalamhati sa pamilya ni Marcos, na dati niyang kasama sa nakaraang Kongreso.
Binura na ng Bacoor mayor ang kanyang tweet at humingi ng paumanhin.
Habang sinabi ng kanyang staff na na-hack ang kanyang account.