INAAKAY at inaalalayan sa kanyang bawat hakbang. Ganito ngayon siApril Boy Regino nang mag-guest last week sa programang Cristy Ferminute na dumating kasama ang kanyang maybahay na si Madel at isa sa dalawang anak na si JC.
Sa mga hindi nakaaalam, makaraang malampasan noon ang prostate cancer na dumapo sa kanya, dahil sa kanyang diabetes ay naapektuhan nang matindi ang paningin ng tinaguriang Jukebox Idol.
Sumalang ang mag-ama sa CFM not to promote their latest single kundi para ibahagi ang aral na natutuhan ng kanilang pamilya mula nang magkasakit ang padre de pamilya nito.
Inamin ni April Boy na isang taon siyang nakaratay sa kama. Naroon ang panunumbat niya sa Pnginoon kung bakit siya nagkaganoon.
Mabuti na lang, hindi bumitiw ang kanyang mga mahal sa buhay.
“Ngayon, maaliwalas na ang tingin ko sa buhay. Noon, madalas akong tanungin ng mga anak ko, ‘’Pa, okey ka lang ba?’, pero ngayon, ako na ang nagtatanong kung okey sila dahil okey na okey na ‘ko ngayon. Masigla na uli ako’t magana nang kumaing muli,” aniya.
Sa panahon ding ‘yon na-realize ng mang-aawit na ang tunay na manggagamot ay hindi ang mga dalubhasang doktor kundi tanging ang Panginoon lamang.
Sa ngayon, isang kompanyang nagma-manufacture ng mga nagpapagaling na gamot ang kumuha sa kanya bilang endorser.
“Binabayaran ako ng kotse, worth P3-M ang halaga niyon. Sabi ko, ‘Naku, ang dami ko nang sasakyan. Lima-lima ang kotse ko.”
Pero hindi ang “pagmamayabang” ang kasilip-silip sa kuwentong ‘yon.
Pinamumunuan kasi ni April Boy, katuwang ang kanyang pamilya, ang pagbibigay ng libreng pagtatanghal.
“First time na nangyari ito na nagpe-perform ako nang libre, dala namin ang sound system at libre pa pakain sa mga nag-iimbita sa amin sa mga piyesta. Roon man lang, eh, maibalik ko ang aking pasasalamat dahil naitawid ako ang sakit ko,” aniya.
HOT, AW! – Ronnie Carrasco III