HINDI dapat pagtakhan kung pabalik-balik ng Pilipinas si Sandara Park. Sobrang mahal kasi niya ang ‘Pinas.
Ani Sandara, ganoon na lamang ang suporta rin niya sa Pilipinas dahil nagpapasalamat din siya sa mga Pinoy dahil sa suporta sa kanya at pagmamahal sa kanya.
Aniya, kahit nga hindi niya ipino-promote ang ‘Pinas eh kusa iyong lumalabas sa kanyang puso.
Nilinaw naman ni Dara (tawag kay Sandara) ang ukol sa umano’y siya ang rason sa split up nina Robi Domingo at Gretchen Ho. Sinasabi kasing nakitang magkasama sina Dara at Robi nang magpunta ang huli sa Korea kamakailan ganoon din kapag nasa ‘Pinas ang aktres/singer.
“Narinig ko na ‘yan siyempre hindi totoo yun. Wala namang ginawa. We’re just good friends, me and Robi, and that’s it,” panimulang paliwanag ng dalaga.
“Hindi maganda na marinig ang ganoong issue kasi baka masira pa ang friendship namin,” giit pa ng aktres/singer.
Dumating kahapon si Sandara para i-promote ang handog ng Viva International Pictures at MVP Entertainment ang pelikulang One Step. Isang Korean movie na pinagbibidahan ni Dara at kasama si Han Jae-Seok (Speed Angels) at si Cho Dong-In (The Stone).
Ang One Step ay ukol sa isang babaeng susubukang alalahanin ang kanyang nakaraan para matuklasan at mahanap ang sarili.
Nakuha ng One Step ang inspirasyon sa mga Hollywood movie gaya ng Once at Begin Again.
Ito rin ang kauna-unahang lead role ni Sandara para sa isang pelikula.
Ayon kay Sandara, nahirapan siyang gampanan ang kanyang karakter na may Colored Hearing. Kaya naman kinonsulta noya ang kanyang director kung paanong atake ang nararapat niyang gawin para magampanan nang maayos ang kanyang role. At kahit isa siyang singer, inamin ni Sandara na kinailangan niyang doblehin ang kanyang effort para maging makatotohanan ang kanyang pagganap.
Ang direktor ng pelikulang si Kuhn Jaihong ay puno rin ng papuri kay Sandara para sa kanyang pagganap sa pelikula. Nakita niya ang pagmamahal ni Sandara sa pag-arte kaya naman nag-enjoy siyang makatrabaho ito sa pelikula.
Ang One Step ay produksiyon ng MCC Entertainment, kilalang production house na gumawa ng mga musika para sa mga sikat na Korean TV dramas gaya ng Jewel In The Palace at The Great Queen Seondeok.
Mapapanood na ang One Step sa mga sinehan simula May 10.
ni MARICRIS VALDEZ