NAKATUTUWA ang buong suportang ipinakikita at ibinibigay ni Direk Maryo J. Delos Reyes sa kanyang alagang si Orlando Sol, dating miyembro ng Masculados at ngayo’y solo artist na.
Ibang klase talaga magbigay ng suporta ang magaling na director na nakita rin naming ginawa sa iba pa niyang alaga tulad nina Jiro Manio, Baron Geisler, atRomano Vasquez.
At ngayon, ang actor, model, at singer na si Orlando naman ang binibigyan niya ng pagkakataon para patunayan ang sarili.
Dating miyembro ng Masculados si Orlando na nagsisimula nang makilala bilang isang solo artist. Kamakailan, inilunsad ang kanyang solo album gayundin ang pagbibida sa online romantic-drama series.
Ang album na Emosyon na ipinamamahagi ng Star Music ay may limang hugot love songs mula sa komposisyon ni Jerwin Nicomedez.
Ang pagbibidahang online drama series naman ng Star Music ay pinamagatangKailan Darating Ang Ayoko Na na siya ring carrier single ng album ni Orlando. Sasamahan siya nina Catherine Rem, Ruby Cayetano, at Blumark Roces para sa natatanging love triangle na tiyak na magiging viral sa mga susunod na araw.
Ito’y may five series na ipinrodyus ng Production 56 at idinirehe ni Delos Reyes. Ipinalalabas ito sa Star Musics’ Youtube channel na unang ipinalabas noong Biyernes, Abril 28 at sinundan kahapon, at sa mga susunod pang Biyernes ng Mayo 12, 19, at 26, 6:00 p.m..
Inilunsad ng Star Music ang official music video ng hugot single na KDAAN sa YouTube channel nito at sa MYX kamakailan bilang pasilip sa series at patikim sa ballad album ng baguhang singer.
Ayon kay Orlando, excited siya sa solo venture niya sa musika at natutuwa siyang alalahanin na inabot niya ang tagumpay na ito nang hindi inaasahan. Una siyang nakilala bilang miyembro ng Masculados walong taon na ang nakalilipas. Marami pang oportunidad ang dumating nang inawit niya ang kauna-unahang single at bahagi ng kanyang album, ang Ingatan Mo Ang Salitang Mahal Kita dahil ito ang nagdala sa kanya para matuloy-tuloy sa pagkakaroon ng sariling album.
Ilan pa sa mga awiting nakapaloob sa album ay ang Lilipad Ako Nay, Kaibigan, atI’ll Always Be There, mga awiting madaling makapukaw ng atensiyon ng mga makikinig. Isang chill track ang I’ll Always Be There na nagpapahayag ng emosyon sa isang taong nagsisimulang maging mahalaga habang ang Lilipad Ako Nay ay awiting alay sa kanyang ina na kanyang malaking inspirasyon sa pagsisikap na magtagumpay sa industriya ng showbiz.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio