UNANG umalingawngaw ang pangalan ni Mayor Alfredo Lim sa buong bansa noong dekada ‘80 nang kanyang ipasara ang mga prente ng prostitusyon sa lungsod ng Maynila.
Hinangaan nang marami ang pagiging no-nonsense ni Gen. Lim pagdating sa pagpapatupad ng batas bilang antigong produkto ng Manila’s Finest at dating hepe ng noo’y Western Police District (WPD).
Ipinasara ni Lim ang mga establisiyementong prente ng prostitusyon sa Malate at Ermita na karamihan ay pag-aari ng mga dayuhang sindikato at naitaboy ang kanilang maruming negosyo palabas ng Maynila.
Nang maitalagang hepe ng National Bureau of Investigation (NBI), napasuko ni Lim ang mga operator ng ilegal na jueteng kaya’t nahubaran ng maskara ang dati’y nakatagong mukha ng mga gambling lord sa bansa.
Kabilang sa parada ng mga accomplishment ni Lim sa NBI ang pagkakalansag sa pinakamalaking sindikato ng ilegal na droga sa bansa na pinamumunuan ni Don Pepe Oyson.
Pero si Don Pepe ay sinawing-palad nang tangkain niyang agawan ng baril ang mga umaresto sa kanya sa loob ng isang van habang ibinibiyahe patungong NBI para iharap kay Lim.
Nang mahalal na alkalde, kinatakutan si Lim ng mga tulak dahil sa epektibong kampanya na kanyang inilunsad sa Maynila kontra-droga.
Marami sa mga sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga ang nagsilayas papalayo sa Maynila, sa takot na mamarkahan ng spray painting ang tinutuluyan nilang bahay at matatakan ng malalaking letra na: “Ito ay bahay ng pusher.”
Ni minsan ay hindi nakapasok sa Maynila ang mga ilegal na pasugalan noong alkalde si Lim, lalo ang jueteng.
‘Yan ang dahilan kung bakit si Lim ay nabansagang “Dirty Harry ng Maynila.”
Ang mas importante, kailanman ay hindi nasangkot ang pangalan ni Lim sa anomang klase ng katiwalian.
‘SPA-KANGKANGAN’
SA MALATE, TIMBRADO
SA MANILA CITY HALL
Mahigit isang taon na raw nag-o-operate ang dalawang sikat na SPA sa Malate na kaduda-dudang nag-aalok ng kakaibang serbisyo kaya dinaragsa ng mga parokyano.
Maliwanag na nakasulat kasi sa kanilang mga karatula at ipinamamahaging flyers ang mga serbisyong imbes magpalakas ay tiyak na makapanghihina pang lalo sa katawan ng customer.
Sa labas pa dalawang SPA-KANGKANG ay mababasa na may bukod na presyo ng “ES” (extra service) sa bayad ng masahe at may mga larawan pa ng mga hubad na babaeng masahista.
Kasama sa alok na promo ng HIROSHIMA SPA-KANGKANG at ang SHOGUN SPA-KOLKOL ang magkasamang paliligo ng customer at masahista.
Aba’y, daig pa raw ng nabagsakan ng atomic bomb ang customer na nanggaling sa Hiroshima sa sobrang panghihina.
Hindi lotion at hindi rin powder na gamit sa mga sauna bath ang ipinagmamalaking pamahid sa pagmamasahe ng customer sa dalawang SPA-KANGKANGAN, kung ‘di malalapot at madudulas na gel.
Imbes na kamay ay hubo’t hubad na katawan ng mga masahistang babae ang ipangkikiskis sa hubo’t hubad din na katawan ng kanilang customer.
Balita natin, karamihan sa masahista ay pawang mga menor de edad na pinagagamit umano ng ilegal na droga bago magpaligaya sa mga customer.
Dapat lusubin ng NBI ang dalawang establisiyementong nabanggit, ang balita ay mismong management ang supplier ng ilegal na droga sa mga kababahihang masahista (kuno).
Alam kasi ng ating impormante na nakatimbre ang mga establisiyemento sa Manila City Hall kaya’t hindi sinasalakay ng mga kagawad ng Manila Police District (MPD), partikular ng Station 5 na may sakop sa Maria Orosa at Mabini sa Malate.
Sayang ang kinabukasan ng mga kabataang babae kung tuluyan na silang masasadlak sa masamang uri ng hanapbuhay at malululong sa ipinagbabawal na gamot.
Dapat din kumilos ang Department of Social Worker and Development (DSWD) para sagipin ang mga menor de edad na kababaihan na parang inilalako at ikinakalakal ng mga ganitong klaseng establisiyemento.
Hindi ba maliwanag na human trafficking at pang-aabuso sa mga kababaihan ang tawag diyan, lalo’t mga menor de edad pa?
Abangan!!!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid