CAUAYAN CITY – Kompirmadong isang pulis ang namatay sa pagsalakay ng New People’s Army (NPA) sa Maddela Police Station sa Quirino Province, kamakalawa ng gabi.
Nabatid na “dead on arrival” sa Maddela District Hospital ang pulis na si PO2 Jerome Cardenas.
Nasagip ang dalawang pulis na unang napabalita na dinukot ng rebeldeng grupo.
Ngunit inilinaw ng NPA, hindi nila dinukot ang naturang mga pulis.
Ayon sa ulat, tinatayang 50 armadong kalalakihan na nakasakay ng van at elf truck ang sumalakay.
Bakas sa naturang himpilan ang palitan ng putok, at makikita ang mga tama ng bala ng baril sa pader at mga bintana nito.
Sa nasabing pagsalakay, kinuha ng mga rebelde ang 13 armas, mga bala at iba’t ibang mahahalagang kagamitan ng mga pulis.
Nagsasagawa nang malalim na imbestigasyon ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) hinggil sa insidente.
ATAKE INAKO
NG NPA
CAUAYAN CITY – Inako ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na sila ang may kagagawan sa pagsalakay sa Maddela Police Station.
Sa impormasyon ng Venerando Villacilio Command, nakabase sa Quirino, ang paglusob ng NPA ay tugon sa “all out war” ng administrasyong Duterte.
Ito anila ay paraan ng paghahatid nila ng katarungan sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa Lalawigan ng Quirino.
Inakusahan din ng NPA ang 86th Infantry Batallion, Philippine National Police (PNP), at mga miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), ng sapilitang pagpapalikas sa mga mamamayan ng Brgy. San Martin, Cabua-an at Ismale Maddela, Quirino.
Anila, hina-harass, tinatakot at ginigipit ng mga awtoridad ang mga mamamayan sa Maddela at Nagtipunan, Quirino sa isinagawa nilang combat operations.
Samantala, agad itinanggi ng 5th Infantry Star Division ng Philippine Army ang alegasyon ng NPA.
Ayon kay Sgt. Clifford Soriano ng Civil Military Operations Office ng 5th ID, walang katotohanan ang paratang ng rebeldeng grupo sa mga sundalo.
Bahagi aniya ito ng propaganda ng rebeldeng grupo upang paniwalaan ng mga sibilyan ang kanilang mga alegasyon laban sa pamahalaan.
Habang inihayag ni Sgt. Erol Navata ng 86th Infantry Batallion, kinokondena ng mga sibilyan ang presensiya ng komunistang grupo sa kanilang lugar.
Sinabi niyang panlilinlang lamang ang hakbang na ginagawa ng mga NPA.
PNP ISABELA
INALERTO
CAUAYAN CITY – Inalerto ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang lahat ng municipal police station sa Isabela.
Ito ay kasunod nang paglusob kamakalawa ng gabi ng pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Maddela Police Station sa Quirino Province, na isang pulis ang namatay.
Ayon kay S/Supt. Reynaldo Garcia, Provincial Director ng IPPO, i-nabisohan niya ang mga himpilan ng pulisya na paigtingin ang kanilang depensa at intelligence monitoring. Iniutos din ng opisyal ang pagsasagawa at paglalatag ng choke point at checkpoints sa mga pambansang lansa-ngan.
Bus bumangga sa truck, 9 pasahero sugatan (Sa Zamboanga Sibugay)
ZAMBOANGA CITY – Nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang siyam pasahero makaraan bumangga ang sinasakyan nilang pampasaherong bus sa isang truck sa National Highway ng Brgy. Canacan, Kabasalan sa Zamboanga Sibugay, kamakalawa.
Base sa report mula sa Police Regional Office Region 9 (PRO-9), parehong tumatakbo sa isang direksiyon ang pampasaherong bus ng Lisa May, minamaneho ng isang Roldan Aballe Balanay, 27, at Isuzu dump truck na minamaneho ni Michael Jay Putol, 23-anyos.
Sinubukan mag-overtake ng bus sa katabi nitong truck ngunit hindi ito nakalampas at sa puntong ito nangyari ang insidente.
Kabilang sa mga sugatang pasahero ang tatlong bata, may edad anim at pitong taon gulang, at isang 70-anyos matanda.
Pareho nang naka-impound sa himpilan ng pulisya ang da-lawang sasakyan na sangkot sa insidente.