NALUNGKOT naman kami noong isang gabi, nang may magkuwento sa amin na naghahanap na naman ng bagong matitirahan si Nora Aunor. Natapos na kasi ang kontrata niya sa townhouse na pag-aari ni Pauleen Luna, at kung hindi na nga niya makakayang bayaran, kailangan niyang iwan. Ang balita pa, nasa abroad si Nora dahil sumama yata sa isang Bible Exposition ng Dating Daan, tuloy magpapa-check up na rin ng kanyang lalamunan, at ang mga gamit niya ay ipinahakot na lang sa isang trucking service na sinamahan ng ilan niyang pinagkakatiwalaan.
Pagbalik ni Nora, siguro tutuloy muna siya sa isang hotel habang wala pang nakikitang bahay.
Dapat bang mangyari ang ganyan sa isang dating superstar at itinuturing na isang magaling na aktres na kagaya ni Aunor? Huwag na tayong magsisihan. Huwag na tayong magturuan kung sino nga ba ang may kasalanan at umabot siya sa ganyan. Wala kang aasahang tulong mula sa gobyerno. Hindi mo naman maaaring isama si Aunor doon sa pantawid kabuhayan. Noong nabubuhay pa si Kuya Germs, at presidente pa siya ng KAPPT, inisip niya ang isang mutual benefit fund para sa mga artista, pero iyong sinisimulan niyang ipuning pondo sana, naubos din naman noong hindi na siya ang presidente ng KAPPT.
Ang puntong gusto naming tumbukin, paano mong masasabing iyang mga artistang gumagawa ng indie ay makakapamuhay nang maayos, kung si Aunor nga eh ganyan ang sitwasyon. Iyong iba ngang lumalabas sa mga pelikulang indie, natsitsismis pang may ibang sideline, lalo na nga iyong mga lalaki. Eh paano ngang hindi, artista sila pero wala naman silang kinikita. Kasi hindi rin naman kumikita ang mga pelikulang indie.
Kahit na anong pilit ang gawin ninyo, hindi kikita iyang indie. Sasayangin lang ninyo ang pondo ng gobyerno na ginagamit ninyo para sa mga pelikulang iyan. Ang dapat na ginagawa kagaya ng Experimental Cinema of the Philippinesnoong araw ni Imee Marcos. Nagpopondo para sa mahuhusay at malalaking pelikula na natural kumikita. Eh ngayon pinipilit ang mga pelikulang tiyinane ang puhunan, ano nga ba ang mangyayari riyan. Kawawa ang mga artista. Tingnan ninyo si Nora, wala na namang bahay.
HATAWAN – Ed de Leon