MULING lumiham sa inyong lingkod si G. MICHAEL DAVID, isa sa 48 OFWs na sampung buwan nang stranded sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia.
Ayon kay G. David, sampu sa kasamahan nilang stranded doon ang napauwi na ng recruitment agency dito noong nakaraang linggo.
Nakasaad naman talaga sa standard contract ng mga OFW na kapwa pinapanagot ang mga tanggapan ng gobyerno (DOLE-POEA-OWWA) at mga lisensiyadong recruitment agency na responsable sa deployment ng OFWs para gastusan ang repatriation o pagpapauwi sa kanila.
Sa madaling sabi, 38 pa silang naiwan at hanggang ngayon ay nakatambay sa kampo ng kanilang employer, ang Drake and Scull International na multi-national company sa Saudi Arabia.
Nakapayola ba ang DOLE, POEA at OWWA sa license recruitment agency na responsable sa deployment ng 37 stranded OFW kaya hanggang ngayon ay hindi kumikilos ang mga tauhan ng overstaffed na Philippine Overseas Labor Office (POLO) natin sa Riyadh?
Ang 48 stranded OFW ay sa deployment ng dalawang recruitment agencies dito – LV UNIVERSAL MANPOWER INC., atADMIRAL OVERSEAS EMPLOYMENT CORP. – na kapwa accre-dited o lisensiyado ng DOLE at POEA.
Wala pa rin daw kasing nakikipag-usap o nakikipag-ugnayan ni isang kinatawan ng POLO hinggil sa hindi pagpapasuweldo at pagkakaloob ng kanilang mga benepisyo na dapat makuha mula sa kompanyang DRAKE AND SCULL INTERNATIONAL na kanilang employer.
Narito ang panibagong liham-panawagan ni G. David kay Pang. Rodrigo R. Duterte na kanyang ipinadala sa atin:
“Kami po ay ulit na makikiusap sa inyong programa na mabasa ang aming sulat at napakalaking utang na loob po namin sa inyo, gano’n din po sa Migrante International sa walang-sawang suporta at pag-unawa.
Bakit po ba ayaw kami pansinin ng ating gobyerno? Kami po ba ay mga salot sa lipunan? Kami po ba ay may nakahahawang sakit? Kami po ba ay kriminal o kaya mamamatay tao kaya kami hindi pinapansin at iniiwasan? Ganito ba ang turing nila sa aming mga OFW dahil kami ay mga stranded at wala nang pakinabang sa gobyerno kaya kami pinapabayaan na at pinagda-damutan ng tulong kaya kami iniiwasan?
Katarunga’y bakit ba ganito? Isang katotohanan ngang sa dami ng mga hinaing ng ating mga kasamahang OFWs sa iba’t ibang panig ng mundo, marami pa rin ang patuloy na nanghihi-ngi ng katarungan dahil sa pang-aabuso ng mga employer. Hindi lamang ang aming mga buhay at pangarap ang nakataya sa aming pangingibang bansa nguni’t ang mga bayaning halos ang buhay ay inialay sa bansa ngayon ay hindi pinapansin.
Hanggang ngayon, kami ay naghihintay sa mabagal na aksiyon ng POLO-OWWA dito sa Riyadh simula pa noong October 2016. Hindi po nila natutugunan ang mga problema namin dito. Hangang ngayon, wala pa rin silang maibigay na malinaw na sagot kung kailan namin makukuha ang mga sahod at benipisyo, puro na lang salita at pangako. Ano’ng halaga ng salita kung kulang sa gawa? Hindi namin alam kung hanggang kailan matatapos ang kalbaryo namin dito. hangad lang po namin ay masiguro kung talagang meron kaming hihintayin.
Kagalang-galang na Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kami po ay nagsusumamo at nagmamakaawa at nakikiusap na tulungan po ninyo kami na makuha ang mga sahod namin at benefits. Kami po ay 10-buwan nang stranded dito sa aming kompanyang Drake & Scull International dito sa Riyadh KSA. Alam po namin na magagawan mo po ng paraan na kami ay matulu-ngan sapagkat kami ay may malaking tiwala sa inyo.
Sana po Kagalang-galang na Pangulong Duterte ay lumabas na po nang mabilisan ang guidelines para makuha na po namin ang unpaid wages at iba pang benefits. Isa po ako sa dumalo sa pagtitipon sa Marriot Hotel ng Filipino Community. Kami po rito ay umaasang hindi mabibigo sa mga binitawan ninyong salita at ipi-nangako na aabonohan muna ng pamahalaan ng Filipinas ang mga unpaid salary at benefits sa lahat ng mga apektadong OFWs dito sa Gitnang Silangan.
Mahal na Pangulong Rodrigo Roa Duterte, sa inyong mga kamay nakasalalay ang kaligayahan ng bawat Filipinong manggagawa na nais makapiling ang aming mga mahal sa buhay, at sa inyo rin pong mga kamay nakasalalay ang kinabukasan ng aming mga pamilya. Wala na po kaming ibang inaasahan kundi ang inyong mahalagang katugunan na sana’y matupad na ang kahilingan namin na matagal nang inaasam-asam, at ito na marahil ang kasagutan ng aming panalangin upang maibsan ang aming mga kalungkutan sa buhay.
May sampu kaming kasamahan na napauwi na ng kanilang recruitment agency sa atin noong nakaraang linggo.
Salamat po! Uulit-ulitin ko po, Sir Percy, hindi sapat ang salitang salamat sa suporta at tulong at pagmamahal ninyo. Diyos na po ang bahalang gumanti sa tulong ninyo sa amin.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid