SOBRANG excited pala si Direk Dan Villegas nang ialok sa kanya para gawin ang Luck at First Sight na mula sa Viva Films at N2 Productions na pagbibidahan nina Jericho Rosales at Bela Padilla na mapapanood na sa May 3.
Aniya, “Ang difference nito sa mga nagawa ko na, ‘yung dati, rooted on reality, kung ano ang nangyayari sa totoong buhay. Kaya na-excite ako rito kasi may magic element, ‘di realistic. Medyo hyper realistic siya, magical, fantastic.
“First time kong gumawa ng ganito, so minsan, ‘yung pagtimpla ng mga eksena, mapapaisip ka, exaggerated na ba ito, baka masyadong mababaw o matigas. Rom-com siya, pero may magic realism element,” anang director.
Bilib din si Bela tulad ni Echo sa konsepto ng Luck at First Sight at sinabing isa ito sa pinakamagandang movie na ginawa niya. “May commitment kami rito sa isa’t isa,” aniya kaya hindi siya nahirapang makatrabaho ang magaling na actor.
Pinuri rin ni Echo si Bela, “Working with Bela was great. She’s very open, walang showbiz na vibe. ‘Pag nasa set kami, nag-uusap kami ng concept and ways to promote or make the film better. It’s nice that she’s open to exploring things, wala siyang masyadong inhibitions. It’s been fun.”
Sa pelikula, gagampanan ni Jericho si Joma Labayen, isang down-on-his-luck guy na masugid na naniniwala na isang “life charm” ang magbibigay kulay sa mga pangkaraniwang kaganapan sa buhay niya. Aksidente niyang makikilala si Diane dela Cruz (Bela) na magiging ugat ng pinakamatinding desisyon na haharapin niya sa kanyang buhay: ang pagpili ng luck o love.
Ang Luck at First Sight ay konsepto ni Bela. “Nasa kotse ako, nakikinig ng conversation ng DJs sa radio. Tapos, naisip ko ‘yung title, roon nabuo ang story. Tungkol siya sa dalawang tao na sinusuwerte kapag may physical touch sila.
“Ako, gusto ko makapanood ng kaunting feeling ng magic, parang maniniwala ka uli sa isang bagay na hindi mo nakikita. Sa totoong buhay, naniniwala ako sa suwerte, ibang forms lang siguro. Pero mas naniniwala ako sa love.
“Noong nag-iisip na kami kung sino ang kukuning direktor, sabi namin, dapat si Direk Dan ito. Sobrang galing kasi niya, sobrang ganda ng shots at saka gusto naming ma-touch din ang point of view ng lalaki sa pelikula.”
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio