CEBU CITY – Kinompirma ni Bohol Governor Edgar Chatto, apat ang namatay sa panig ng mga Abu Sayyaf sa enkuwentro sa Clarin, probinsiya ng Bohol, kamakalawa.
Ito ay base sa retrieval operation ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Governor Chatto, tatlong miyembro na lang ng ASG ang pinaghahanap ng mga awtoridad ngunit sinasabing isang armas na lang ang dala.
Sinabi ni Chatto, mahina ang nasabing tatlong Abu Sayyaf dahil bukod sa patay na ang lider nilang si Abu Rami at kanilang nagsisilbing gabay na si Joselito Melloria, wala na silang pagkain.
Dagdag ng gobernador, sinisikap nila ngayon na mapabilis ang isinasagawang clearing operation makaraan magpalabas ng utos si Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin ito sa mas lalong madaling panahon.
Kaugnay nito, muling binuksan ang isinarang mga kalsada sa bayan ng Clarin.
Sa ngayon, ayon sa direktiba ng gobernador sa ibang bayan ng probinsiya ng Bohol, manatiling mapagmatyag sa paligid at magsumbong agad sa mga awtoridad kung may kahina-hinalaang tao o grupo sa kanilang area.
ABU SAYYAF SA IBANG LUGAR
‘DI TOTOO – AFP CHIEF
TINIYAK ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año, walang dapat ikabahala ang ilang lugar sa bansa, kaugnay sa isyu ng posibleng paghahasik ng karahasan ng Abu Sayyaf group (ASG).
Ginawa ng heneral ang pahayag dahil sa sinasabing kumalat na ilang “sightings” ng grupo ng Abu Sayyaf, makaraan ang enkuwentro sa Brgy. Inabangga sa Bohol.
Ayon kay Gen. Año, isolated case lamang ito at sa ngayon ay pinag-ibayo ang paghahanap sa “remnants” ng grupo sa lalawigan ng Bohol.
Nitong Sabado, nagkaroon ng labanan sa isa pang lugar.
Sinabi ng AFP chief, ipinakalat niya ang mga tropa ng pamahalaan sa tourist spots.
“Wag po kayong mabahala dahil meron tayong kaukulang paghahanda sa lahat ng lugar. Sa lahat ng tourist spots sa Central Visayas ay may tropa tayo. At ‘yong pinakamatigas talaga na Abu Sayyaf na nagpupunta sa ibang lugar para mang-kidnap na si Abu Rami ay napatay na,” ani Gen. Año.