NGAYON ang huling araw na mapapanood ang teleseryeng The Greatest Love na nagmarka sa kamalayan ng maraming viewers, lalo na sa mga ina. Tinutukan ng marami ang seryeng pinagbidahan ni Ms. Sylvia Sanchez mula simula hanggang sa pagtatapos nito.
Bilang si Mama Gloria, nagkaka-isa ang maraming suking manonood ng naturang Kapamilya TV series sa mahusay at makatotohanang pagganap ni Ms. Sylvia, bilang mapagmahal na ina at lola na nagkaroon ng Alzheimer’s disease. Maraming televiewers ang na-touch at humanga sa mga artista nito at sa mga tao sa likod ng serye.
Proud namang ipinahayag ni Ms. Sylvia na ang TGL ang seryeng habangbuhay niyang ipagmamalaki.
“Nalulungkot ako kasi, matatapos na ang journey ni Mama Gloria. Pero masaya rin at the same time, dahil nakagawa ako ng isang napakagandang teleserye na habangbuhay kong maipagmamalaki kahit kanino. At ito rin ang magiging bonding ko sa mga magiging apo ko dahil hanggang sa ending pinag- isipan talaga at pinaghirapan namin ito.
“Sa seryeng ito rin, sobrang saya ang naramdaman ko dahil sa suporta ng publiko. Sinuportahan at minahal nang sobra ng sambayanang Pilipino ito, hindi lang dito sa ‘Pinas, kundi sa buong mundo na mayroong mga Pinoy,” pahayag ng premyadong aktres.
Ano po ang mami-miss nyo sa TGL?
Sagot ng award-winning aktres, “Ang mami-miss ko sa pagtatapos ng TGL ay ang mga co-actors ko, iyong aming kulitan, tawanan, kainan, at higit sa lahat iyong nagtatrabaho kaming lahat ng cast bilang isa, ensemble, walang sapawan. Masarap magtrabaho kapag nandoon yong respeto at pagmamahal ng bawat isa.”
Sa pagtatapos ng TGL, sa last airing ninyo ngayong Friday, ano sa palagay ninyo ang mararamdaman ng viewers? “Sa tingin ko, papalakpak at magiging masaya ang lahat.”
Ano po ang next na dapat abangan ng fans ninyo sa inyo? “Mayroon nang sinabi sa akin, maganda rin siya. Pero hindi pa puwedeng sabihin kung ano ‘yon,” matipid na tugon pa ng very accommodating na mother nina Arjo at Ria Atayde.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio