DAHIL halos maya’t maya ay niyayanig tayo ng lindol — kahapon lang ay nasa magnitude 5.6 na lindol ang naitala sa Northern Samar matapos ang serye ng lindol na tumama naman sa Batangas at mga karatig lalawigan at sa Metro Manila, Sabado at Martes noong isang linggo — kailangan maging doble ingat tayo.
Sino ba naman ang hindi matatakot at maaalarma sa gitna nang ganitong mga pangyayari, lalo pa’t alam naman natin na nagbabanta rin ang sinasabing Big One?
Maaaring tama lang na makaramdam tayo ng takot, ngunit hindi nangangahulugan na dapat mag-panic sa ganitong sitwasyon. Mas higit na kailangan sa ganitong mga panahon ang pagiging handa.
Dapat may nakahanda na kayong isang bag na naglalaman ng pinakamahahalagang gamit na kakailanganin sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw gaya ng tubig, pagkain, pito, flashlight, first aid kit at gamot, baterya at maging power bank para sa iyong cellphone.
Gaya nga ng panawagan ng ating pamahalaan, hindi dapat maalarma at mag-panic dahil lalo lamang itong magdudulot ng mas malaking problema. Dapat panatilihin ang pagiging kalma na hindi naman nagiging pabaya sa kaligtasan natin at ng ating pamilya.
Iwasan na maging source ng maling mga balita tungkol sa lindol dahil imbes makatulong ay nakadaragdag lamang ng takot at panic sa iba. Kung hindi nagpa-panic, mas magiging maayos at ligtas ang ating kalagayan sa gitna ng mga sakuna at trahedya.