INARESTO sa isang buy-bust operation ang isang lalaking matagal nang pinaghahanap ng mga pulis dahil sa mara-ming reklamo ng panghihipo sa mga babaeng nagda-jogging sa Veloso Avenue sa Ormoc City.
Kinilala ni S/Insp. Joseph Joevil Young ng Drug Enforcement Unit ng Ormoc City Police, ang suspek na si Jezel Laurente, 27, isang karpintero, may-asawa, at residente sa Sitio Cantalib, District 29.
Ayon kay Young, naaresto nila si Laurente sa buy-bust operation sa Sitio Suntan, Brgy. Punta bandang 8:00 pm nitong Sabado.
Nakompiska sa suspek ang dalawang plastic sachet ng shabu at P500 buy-bust money.
Sinabi ni Young, matagal nang pinaghahanap ng lokal na pulisya si Laurente dahil sa magkakasunod na reklamo ng panghihipo ng dibdib ng mga babaeng nagda-jogging sa Veloso Avenue sa Brgy. Punta at sa city proper.
Sa reklamong natanggap ng mga pulis, nakikitakbo si Laurente sa mga babaeng nagda-jogging at kapag nakalapit ay biglang dadakmain ang dibdib ng kanyang mga biktima.
Pagkatapos manghipo, tatakbo na papunta sa kanyang motorsiklo ang suspek at tatakas.
Kabilang sa naging mga biktima ni Laurente ay isang magandang doktora at dito siya namukhaan at nakilala ng iba pang mga jogger.
Ayon kay Young, ikinasa nila ang buy-bust operation laban kay Laurente makaraan silang makakuha ng impormasyon na nagbebenta ng droga ang suspek sa mga driver ng habal-habal sa kanilang lugar.
Itinanggi ng suspek ang bintang ng mga pulis ngunit inamin ang panghihipo sa mga babaeng jogger sa siyudad.
Kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek.
Habang hinihintay pang may lumutang na biktima ang suspek para pormal na magsampa ng reklamo hinggil sa panghihipo.