NAGA CITY– Muling nagpaalala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa publiko, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pag-akyat sa Mt. Banahaw sa Quezon Province sa darating na Semana Santa.
Ayon kay Dr. Henry Buzar, head ng PDRRMO-Quezon, bawal pa rin ang pag-akyat ng mga deboto, maging ang mga turista na bibisita sa naturang bundok.
Ayon kay Buzar, layunin nitong papagpahingahin muna ang Mt. Banahaw at mapanatili ang kalinisan sa lugar.
Aniya, hanggang sa paanan ng bundok puwedeng pumunta ang mga deboto para magdasal.
Inaasahang magsisimulang bumuhos ang libo-libong deboto sa araw ng Lunes, 10 Abril hanggang Biyernes Santo, 14 Abril.
Napag-alaman, dinarayo ang nasabing lugar dahil sa isang talon na pinaniniwalaang nakagagaling ng mga karamdaman.
Isa aniya sa mga iniiwasan ng mga awtoridad ang maulit ang nangyari noong taon 2014, na nasunog ang halos 100 ektarya ng bundok dahil sa mga nananampalatayang gumamit ng apoy habang nananatili sa itaas ng bundok.