CEBU CITY – Nananawagan si Deputy Mayor for Police Matters at Cebu City Councilor Dave Tumulak, sa Department of Health (DoH), at sa pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na aksiyonan ang nakababahalang pagtaas ng kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa mga inmate ng Cebu City Jail.
Ayon kay Tumulak, kailangang ipasuri ang 4,000 bilanggo sa Cebu City Jail para malaman kung mayroon pang positibo sa HIV, bukod sa una nang naiulat na 136 HIV positive inmates.
Malaki ang paniniwala ni Tumulak, marami pang preso ang infected ng nasabing sakit kung isasailalim sa HIV test.
Inilarawan ni Tumulak, isang impiyerno ang kulungan para sa mga inmate dahil personal nilang nakikita ang kalunos-lu-nos na kalagayan ng mga maysakit na preso, na nakasalampak lang sa kanilang selda.
Kailangan aniyang mabigyan agad sila ng kaukulang serbisyong medikal dahil mga botante rin sila ng Cebu City.
Iminungkahi ni Tumulak sa Jail Warden ng Cebu City Jail, na higpitan ang pagmo-monitor sa mga kilos ng mga bilanggo, lalo ang pa-kikipagtalik ng mga lala-king preso sa kapwa lalaki sa loob mismo ng kulungan.
Ayon sa opisyal, isa rin ito sa mga sanhi nang paglaganap ng HIV, bukod sa talamak na paggamit ng droga, partikular ang Nubain, na pinagpapasahan-pasahan lang ng mga preso ang karayom, na kanilang ginagamit sa pag-inject nito.