AGAD ipade-deport ng pamahalaan ang dalawang nahuling miyembro ng teroristang grupong ISIS, dahil sa kahilingan ng bansang Kuwait.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, ang mag-asawang suspek na hinihinalang mga terorista, ay nahuli sa BCG, Taguig makaraan makatanggap ng intelligence report ang mga awtoridad na mga miyembro ng ISIS ang dalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina Hussein Aldhafiri at Rahaq Zina, kapwa Syrian national.
Ang suspek na si Aldhafiri ay sinasabing sangkot sa pagmamanupaktura ng pampasabog, at kinompirma ng pamahalaan ng Kuwait na miyembro ang dalawa ng teroristang grupong ISIS.
Nakapasok ang dalawa sa bansa mula sa bansang Qatar, at nakabiyahe na sa Davao noong Enero.
Kasunod nang pagkakahuli sa dalawang terorista, nagpasalamat si Aguirre sa immigration officers na naging alerto para mahuli ang dalawa, at mapigilang makapaghasik ng kaguluhan.
Ang pagkakahuli sa dalawa ay nagpapakita lamang aniya ng “competence and dedication” ng kanilang personnel.
Samantala, sinabi ni Bureau of Immigration Commissioner Jaime Morente, pinaplano ng mga suspek magsagawa nang pagpapasabog sa isang lugar sa Filipinas o sa bansang Kuwait.
Hindi sigurado ang BI kung ito ang kauna-unahang pagkakataon na may nakapasok na ISIS sa bansa.
Pansamantala munang ilalagay sa kustodiya ng PNP o Armed Forces of the Philippines (AFP), ang mag-asawang terorista.