MARAMI ang napailing at napakamot sa ulo nang italaga ni Pres. Rodrigo R. Duterte ang singer-musician na si Jimmy Bondoc sa puwesto bilang assistant vice president for entertainment ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor).
Mabilis nating idinepensa sa ating malaganap na programang ‘Lapid Fire’ sa Radio DZRJ (810 Khz.) ng 8TriMedia Broadcasting Network si Bondoc dahil ang puwestong pinaglagyan sa kanya ay hindi naman nangangailangan ng matayog na credentials at kuwalipikasyon.
Angkop naman ang posisyon na ipinagkatiwala sa kanya kung gagampanan ang tungkulin at maisasantabi ang kanyang pansariling interes para makatulong kay Pres. Digong sa pagsusulong ng mga makabuluhang proyekto at programa.
Pero nadesmaya tayo matapos magkalat si Bondoc at langawin ang ipinatawag nilang rally ni Mocha Uson laban kay Vice President Leni Robredo noong Linggo sa Quirino Granstand sa Luneta.
Sa rally na pinamagatan nilang “Palit-Bise” si Bondoc at ang ilan nilang kasamahan ay nagkakahol nang wala namang tinatahulan para igiit na palitan si VP Robredo sa puwesto.
Akala tuloy ng iba ay kumakampanya si Bondoc na vice presidential candidate ni Pres. Digong kahit tapos na ang eleksiyon at nag-a-apply na siya ang ipalit kay VP Robredo sa puwesto.
Kumbaga sa tugtugan, biglang nagkalat si Bondoc at nagmistulang nawala sa tiyempo at nadesintonado.
Alam kaya ni Bondoc na kakapiranggot lang ang hawak niyang kapangyarihan sa Pagcor para mangahas na pangunahan ang desisyon si Pres. Digong at ang proseso ng batas?
Si Pres. Digong na nga ang nagsalita at pinatitigil ang mga nambubuwisit na nagsusulong ng impeachment laban kay VP Robredo.
Mismong si Pres. Duterte na rin ang nagpamalas ng paggalang sa karapatan ng lahat na makapagpahayag ng damdamin o saloobin na ginagarantiyahan sa Saligang Batas.
Kaya maihahalintulad si Bondoc at ang mga tulad niya na nag-aakalang malaki pa sila sa kalabaw na tinutuntungan lang ng langaw.
Lumalabas na bagahe lang pala si Bondoc, imbes makatulong ay iginagawa pa nila ng problema at kaaway si Pres. Digong.
Si VP Robredo pa rin ang second highest official of the land na dapat din igalang ni Bondoc bilang nanunungkulan sa pamahalaan.
Sakaling nagtataka si Bondoc na nag-flop at hindi nag-click ang kanyang pasiklab sa Luneta, ipinaaalam lang natin na walang credibility para paniwalaan ang sinomang tumanggap ng puwesto.
Suspetsa tuloy na umaangkas lang si Bondoc sa nananatiling popularidad ni Pres. Digong para sa kanyang personal na agenda.
Sa mga nabasa at narinig nating pananalita ni Bondoc, halatang hindi pa niya kayang pangahasan ang makialam sa mga importanteng isyu.
Ang mga pinagsasabi niya sa rally ay pawang nasabi na lahat ng ibang opinion makers bago pa man binawalan ni Pres. Digong ang mga nagsisipsip na tuldukan ang pambu-bully kay VP Robredo.
Kung nami-miss ni Bondoc ang pagtugtog at nais niya itong balikan ay magbitiw na muna siya sa puwesto at baka sakaling maging effective ang kanyang nais sabihin laban kay Robredo.
Pero habang nasa Pagcor siya, ituon niya ang pag-iisip ng makabuluhang proyekto at programa sa Pagcor para patunayan ang kanyang kakayahan at masabing hindi nagkamali si Pres. Digong sa pagkakatalaga sa kanya sa puwesto.
Kung ayaw ni Bondoc na matawag na spoiled brat at sipsip-buto ay atupagin na lang ang kanyang trabaho para hindi mapagkamalang mediocre at nagpapanggap na may alam kahit wala.
Dapat makonsensiya rin si Bondoc at isauli ang nalikom na pondo mula sa mga supporter ni Pres. Digong, karamihan ay mga OFW na nagbabanat ng buto sa ibang bansa na napaniwalang may kabuluhan ang isinagawang rally noong Linggo sa Luneta.
Mas malaki ang maitutulong natin kay Pres. Digong kung iiwasan nating igawa siya ng kaaway.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid