IKINULONG na ang babaeng pangulo na si Park Geun-hye matapos mapatalsik sa puwesto noong nakaraang buwan dahil sa pagtanggap ng suhol sa malalaking negosyante sa South Korea (Sokor).
Si Park ang ikatlo sa mga dating pangulo ng Sokor na nabilanggo sa kasong treason o pagtataksil sa tiwala ng mamamayan at pagtanggap ng suhol.
Walang special VIP treatment at sa kulungan kasama ng mga karaniwang kriminal ibinilanggo si Park dahil sa Sokor ay walang PNP custodial center na gaya dito.
Kung ano ang trato sa karaniwang kriminal sa Sokor ay ‘yun din ang katulad na patakarang susundin ni Park o walang pribilehiyo, habang dito sa Filipinas tinatamasa ng mga nakadetine sa PNP custodial center at maiimpluwensiya sa New Bilibid Prison (NBP) ang VIP treatment.
Kung tutuusin ay hindi direktang nangikil at tumanggap ng suhol si Park tulad ng ginawa nina dating associate commissioners Al Argosino, Michael Robles at iba pang mga dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI).
Napatalsik sa impeachment at ngayo’y nakabilanggo si Park na sinasabing kasabwat ng matalik na kaibigang babae na si Choi Soon-sil sa high profile corruption scandal na nangikil sa mga bigtime legitimate private businessman kapalit ng mga pabor.
Si Choi at ang pinakamataaas na pinuno ng Samsung, isang higanteng electronics company sa Sokor na si Lee Jae-yong ay parehong ikinulong din.
Ganyan talaga kabilis ang hustisya kapag ang batas at rule of law ay gumagana sa isang bansa, ‘di tulad sa atin na puro daldalan lang at imbestigasyon pero wala namang nangyayari.
Naturingan pa man din tayo na ‘the only Christian country in Asia’ pero laging pabor sa mga magnanakaw sa pamahalaan ang batas at ipinagmamalaki pang tayo ay may Ombudsman at Sandiganbayan.
Ang mga opisyal ng BI na inimbestigahan pa man din ng Senado at Kamara ay ni hindi man lamang nasasampahan ng kaukulang kaso hanggang ngayon.
Kaya ‘wag na tayong magtaka kung bakit hindi nalilipol at nasasawata ang katiwalian sa pamahalaan, bagkus ay lalo pang dumarami ang mga magnanakaw at mandarambong.
Paano masusugpo ang katiwalian sa ating pamahalaan kung ang ating pagsusumbungan ay nasusuhulan?
SINGIL SA TUBIG
SOBRANG MAHAL
“Mahal na president, hingi sana ako ng tulong tungkol sa water district dito sa Cagayan de Oro. Kasi po, ang bill namin sa isang buwan ay P7,000, tapos binayaran namin paunti-unti pero nang natapos na namin bayaran, umabot na naman sa P8-K ang pinababayaran sa amin. Tulad naming mahihirap lang, gusto naming hingin ang tulong n’yo po na sana ‘wag naman kami putulan agad-agad. Puwedeng babayaran lang din namin nang paunti-unti po, Sir. Pls. don’t mention my name. Thank you. Mr. President!”
APPOINTED NA LANG
ANG MGA BARANGAY
FROI DE SILVA (QC) – “Maganda sana kung may recommending at appointing committee na siyang mamamahala sa pagtatalaga ng barangay kapitan. Puwedeng may isa o dalawang kinatawan mula sa mga magkakapitbahay, religious groups, professionals at academe ang magiging miyembro ng naturang mga committees. Dapat pag-aralang maigi ang proseso upang mabawasan kundi man maalis ang bahid impluwensiya ng politikal groups.”
***
DONALD (Tondo, Manila) – “Tsansa na ‘yan para mabago ang nabubulok na sistema sa mga barangay. Tsansa din ‘yan na mabawasan ‘yung mga walanghiyang opisyal ng mga barangay at nagpapagamit sa mga walanghiyang lider-politiko. Tulad dito sa lungsod ng Maynila na talagang mga abusado ang karamihan ng mga opisyal sa mga barangay. ‘Ika nga, nagiging kasabwat sa mga kasamaan ng mga politikong salot, o ‘ika nga ay mga dalubhasa pagdating sa paggawa ng mga kahayupan.”
***
MAR BIGLETE – “Alisan muna ng honoraria tapos tingnan kung sino ang may gusto kasi karamihan jan sa mga kapitan at konsehales, honoraria lang inaabangan.”
‘IMPEACH MORALES!’
(NAME WITHELD) – “Puwede pa pong ma-impeach si Ombudsman Conchita Carpio Morales, base sa betrayal of public trust. Ang kanyang umano’y hindi pangkaraniwang mga pagsusumikap upang iligtas si BS Aquino III mula sa pag-uusig at pag-clear sa anumang pananagutan sa Constitutionally outlawed P149-bilyong Disbursement Acceleration Program (DAP). Ang naturang pondo, ay ginamit upang suhulan ang Kongreso upang ma-impeach at alisin ang late Chief Justice Renato Corona. Samantala ang ipinataw kay dating Budget Secretary Florencio Abad na arkitekto at implementor ng scheme ay isang katawa-tawang fine, katumbas ng tatlong buwang suweldo lamang. At isa pang basehan ang umano’y kabiguan niya na kumilos kaagad sa mga reklamo at mag-ayos ng mga kaso na walang labis na pagkaantala. Ang disposal rate ng mga kaso sa Ombudsman para sa taong 2016 ay napakababang 52 porsiyento lamang.” (Name withheld)
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid