TAKOT ang mga politiko na hindi muling matuloy ang halalan para sa barangay sa Oktubre.
Nais ni Pres. Rodrigo R. Duterte, imbes elected ay gawing appointed ang mga opisyal ng barangay.
Ang gustong mangyari ni Pres. Digong (ang pagtatalaga sa mga opisyal ng barangay imbes iboto) ay tulad ng malimit na nating panawagan at mungkahi sa ating malaganap na programang ‘Lapid Fire’ na napapakinggan sa Radio DZRJ (810 Khz.), 10:30 pm to 12:00 mn, Lunes hanggang Biyernes.
Ayaw ni Pres. Digong na makalusot sa eleksiyon ang mga barangay na kung ‘di man lulong din sa paggamit ay kasama ang pangalan sa listahan ng mga sangkot sa paglaganap ng ilegal na droga sa bansa.
Hindi lang sa ilegal na droga, marami rin sa kanila ang promotor at pasimuno sa pamamayagpag ng illegal vendors, illegal terminal at illegal gambling (jueteng o numbers game, saklaan, color games, video karera, tupadahan at iba pa) sa kanilang mga barangay.
Pero ang pinakamabigat na kasalanan ng maraming opisyal ng barangay ang pagpapagamit sa mga corrupt na politiko tuwing halalan kapalit ng suhol para impluwensiyahan ang mga botante sa pagboto ng mga tiwaling local at national officials.
Pagdating ng barangay elections ay mga politiko rin na kanilang ikinampanya ang nagpopondo sa kanilang muling pagtakbo kahit mahigpit na ipinagbabawal sa mga opisyal ng barangay ang makilahok o makialam sa politika.
Sa kalaunan, dahil sa nakamal at naimpok ay marami rin sa kanila ang tumatakbo sa politika para sa mas mataas na puwesto bilang konsehal o congressman kapag natapos na ang kanilang termino sa barangay.
Nasakop na rin ng dysnaty ang maraming barangay sa bansa, sila-sila na lang sa pamilya ang nagsasalitan sa puwesto hanggang sa Sangguniang Kabataan (SK).
Ang agawan sa katiting na kapangyarihan sa barangay ay kalimitang humahantong pa sa patayan kaya maliwanag na pagkukunwari na lang na ‘apolitical’ o non-political ang barangay.
Pinakamabisang instrumento ng mga politiko ang mga opisyal ng barangay sa pambabraso sa mga botante at pandaraya sa halalan.
Ultimo simpleng problema sa trapiko nga ay walang ginagawa ang mga tamad na barangay officials para mapanatili ang kaayusan sa kanilang lugar.
Pero sa kabila ng katotohanang ‘yan ay may mga tutol pa raw sa balak ng Pangulo na karamihan ay pawang mga politiko.
Ang mga nababahala lang sa plano ni Pres. Digong ay mga politiko na alam nilang hindi na sila mananalo kapag nasibak ang mga alaga nilang ‘kupitan’ at ‘kakawat’ sa barangay.
Pagsamahin man ang bilang ng mga opisyal ng barangay at politikong hindoropot kompara sa bilang ng mamamayan na walang dudang aprub sa plano ng Pangulo.
Basta’t siguruhin lang ni Pres. Digong na hindi mapopolitika ang pagpili sa mga itatalagang opisyal ng barangay.
KAGAWAD NA MTPB
IMBES sa kanilang barangay, sa tanggapan umano ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) abala ang isang kagawad.
Kaya raw pala hindi napagkikikita si Kag. Samuel Ilaban ng Bgy. 877, Zone 96 ng kanilang mga kabarangay ay doon sa anti-illegal parking ng MTPB sa district VI siya nagtatrabaho.
Palibhasa, malaki ang porsiyento sa illegal parking ng MTPB kaya roon ibinubuhos ni kagawad nang todo ang kanyang panahon kaysa pagkaabalahan ang mga trabaho sa kanilang nasasakupang barangay.
Ayon sa sumbong, noong Setyembre 2016 pa raw nagsimulang magtrabaho si Ilaban sa MTPB.
Paano kaya nakapasok bilang empleyado ng MTPB si Ilaban gayong siya ay isang opisyal na kagawad ng barangay?
Alam ba ni Ilaban na ang mga tulad niya na nanunungkulan sa gobyerno bilang kagawad ay hindi na maaaring humawak pa ng hiwalay na trabaho sa ibang opisina ng gobyerno?
Kung totoong si Ilaban ay tumatanggap ng bukod na suweldo sa pagiging kagawad ay maliwanag na double compensation ang tawag diyan.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid