SINAMPAHAN ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Mighty Corporation ng tax evasion case sa Department of Justice (DoJ).
Aabot sa P9.56 bil-yon ang halaga ng excise tax na ipinababayad ng BIR sa naturang kompanya ng sigarilyo.
Kasama sa mga sinampahan ng reklamo ang presidente ng kompanya na si retired Lt. Gen. Edilberto Adan, executive vice president; retired Judge Oscar Barrientos, vice president for external affairs, assistant corporate secretary Alexander Wongchuking, at ang treasurer na si Ernesto Victa.
Ang kaso ay may kaugnayan sa paglabag ng Mighty Corporation sa Sections 263 at 265 (c) ng National Internal Revenue Code of 1997, dahil sa pamemeke ng internal revenue stamps, at hindi pagbabayad nang tamang buwis.
Nakatakdang magsagawa ang DoJ ng preliminary investigation sa reklamo ng BIR para malaman kung may pananagutan sa batas ang mga opisyal ng kompaniya.
Kamakailan, pumayag ang Mighty Corp. na magbayad ng P3 bilyon multa dahil sa isyu ng hindi pagbaba-yad nang buwis, para magpatuloy ang kanilang operasyon sa bansa.