NANINDIGAN ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), wala silang namo-monitor na mga miyembro ng Maute Terror Group, na nakapag-penetrate sa Metro Manila.
Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief, Col. Edgard Arevalo, walang report sa kanila ang kanilang intelligence community ukol dito.
Pinayohan ng AFP ang publiko, na manatiling mapagmasid sa kanilang kapaligiran, sa harap nang pagkakahuli ng PNP sa isang miyembro ng Maute terror group sa Brgy. Culiat, Quezon City.
Sinabi ni Arevalo, bagaman sa panig ng militar ay wala silang na-monitor na nakarating na rito sa Metro Manila ang paghahasik ng terorismo ng Maute terror group, hindi ibig sabihing magpapabaya na ang mga awtoridad.
Inirerespeto aniya nila ang basehan ng Pambansang Pulisya sa pagsasabing posibleng unti-unti nang nagtitipon dito sa kalakhang Maynila, ang mga miyembro ng Maute.
Dahil dito, nararapat lamang maging handa ang publiko, at makipagtulungan sa militar, sakaling may maobserbahang kakaibang kilos ng hindi kilalang mga personalidad sa kanilang komunidad para sa kaligtasan ng lahat.