NAGKAKAMALI si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte kung sa pangalawang pagkakataon ay muli niyang ipagpapaliban ang barangay election. Ang katuwirang gagamitin lamang ng mga drug syndicate ang eleksiyon para maipagpatuloy ang kanilang operasyon sa droga ay hindi tama.
Kung mismong si Duterte ang nagsasabing mahigit sa 5,000 barangay chairman ang sangkot sa ipinagbabawal na gamot, hindi ba lalong mas mabuti kung ituloy ang eleksiyon sa barangay? Sa ganitong paraan, ang mamamayan sa kani-kanilang barangay ang makapagdedesisyon kung ang isang lingkod-barangay ay nararapat pa bang manatili sa kanyang puwesto.
Hindi solusyon ang postponement ng eleksiyon sa barangay para manalo ang kampanya ni Duterte laban sa droga. Kung itutuloy ang eleksiyon, ang mamamayan na mismo ang huhusga kung ang isang lider ng barangay ay nararapat pang manatili sa kanyang puwesto.
Ang mga tiwali at sangkot sa droga na mga barangay chairman ay walang pag-asang manalo kung itutuloy ang darating na eleksiyon sa barangay sa Oktubre. Salot ang droga sa mga komunidad, at tiyak itatatwa ng bawat pamilya ang kandidatong sangkot sa ipinagbabawal na gamot.
Lalo lamang mamamayagpag ang mga barangay chairman na sangkot sa droga kung mananatili pa sa kanilang puwesto sa pamamagitan ng postponement ng barangay election. Ang eleksi-yon sa barangay sa Oktubre ang tamang pagkakataon para sa mga botante upang hindi na muling ihalal ang mga pasaway na barangay leaders.