BUKAS, Marso 8, ipagdiriwang ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan. Kapag sumasapit ang International Women’s Day, hindi iilan ang makikitang nagsasagawa ng kilos-protesta sa mga lansangan para kondenahin ang iba’t ibang uri ng pagsasamantala sa hanay ng mga kababaihan.
Taon-taon na lang, ang mga karaingan ng mga kababaihang manggagawa ay paulit-ulit na ipinananawagan na solusyonan, ngunit tila walang nangyayari. Nanatiling tahimik ang pamahalaan sa patuloy na pagsasamantalang nangyayari sa mga babaeng nasa hanay ng paggawa.
Ang usapin tungkol sa regularisasyon ay nanatiling isyu na palaging pinag-uusapan at pinagdedebatehan, pero walang karampatang solusyon. Nariyan ang hindi pa rin pagpapasahod sa kanila nang tama, bukod sa sila ay overworked at walang sapat na benepisyo. Ang kawalan ng sick leave at maternity leave, maging ang night differential ay malaking isyu na hanggang ngayon ay hindi pinapansin at patuloy na binabalewala.
Kailan matatapos ang usapin ng 13th month pay at paghuhulog sa SSS? Iilan lamang ito sa patuloy na pagsasamantala ng mga negosyante sa mga kababaihang manggagawa. Hindi na nga maiibsan ang kanilang paghihirap, nadaragdagan pa ang problema, gaya nang hindi pagbibigay sa kanila ng pantay na pagtingin at oportunidad sa mga pagawaan.
Mukhang walang maaasahan ang mga babaeng manggagawa sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte. Ang ginagawang panlalamang ng mga negosyante sa mga kababaihang manggagawa ay patuloy at lalo lamang lumulubha.
Kung meron mang katapusan ang mga pagsasamantalang ito, hindi natin alam kung kailan magaganap.