MARAMING nakikitang problema na idinudulot ang patuloy na pamamasada ng mga lumang jeep sa lansangan, kaya nais itong tanggalin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang mga lumang jeep umano ang lumalason sa hangin at nagiging sanhi ng air pollution kaya nagkakasakit ang mga mamamayan.
Dahil sa kalumaan ay nagiging dahilan din ito ng malalagim na aksidente kapag nasira ang preno at nakasagasa ng mga tao at kabahayan.
Kapag naalis ay luluwag ang mga kalsada, at mawawala rin ang mga sasakyan na ma-dalas tumirik o masira na nagpapalala lang ng trapiko.
Dalawang ulit na rin nagsagawa ng tigil-pa-sada ang mga tsuper ng pampasaherong jeepney sa maraming panig ng bansa bilang protesta sa balakin ng LTFRB na i-phase out ang mga luma at halos kakarag-karag na pampublikong sasakyan.
Nagdulot ito ng malaking prehuwisyo sa maraming commuters na na-stranded sa lansa-ngan. Mabuti na lang at sinuspendi ang klase sa lahat ng lebel kaya nabawas-bawasan ang mga naapektohan.
Makikipagpulong daw si President Duterte sa mga jeepney driver at operator na naging bahagi ng protesta upang pag-usapan ang problema.
Kapag nawala ang mga lumang sasakyan, ang plano ng gobyerno sa mga operator ay dapat magkaroon sila nang hindi bababa sa 10 jeep at minimum capital na P7 milyon upang mapanatili ang kanilang prangkisa.
Ayon sa mga driver at operator ay hindi raw makatao ang balak ng gobyerno. Dapat ay i-rehabilitate lang daw ang mga lumang jeepney at hindi alisin upang hindi mawalan ng kabuhayan ang mga tsuper, at gayon din ang mga operator na walang P7 milyon na kapital.
Bagaman noong isang taon pa inianunsiyo ang planong ito, binigyan ang mga driver at ope-rator nang hanggang 2017 para sumunod sa utos.
At dahil kapit sa patalim na ang maraming jeepney drivers at operators sa pagkataranta na baka mawalan sila ng hanapbuhay, nagbanta sila na magsasagawa nang mas malaki at mas malawak na tigil-pasada kung hindi ititigil ng LTFRB ang naturang balak.
Totoong malaking kabawasan sa bangu-ngot ng trapiko kapag natuloy ang balak na phase out sa mga lumang jeep.
Pero posible lang ito kung ang gobyerno ay may alternatibong pamamaraan ng transportasyon, at mabibigyan ng panahon ang mga tsuper ng lumang jeepney na makahanap ng ibang ikabubuhay.
Alalahanin na hindi lahat ng operator ay ka-yang bumili ng mga bagong jeep o bigyan ng trabaho ang mga tsuper na mawawalan ng sasakyang ipagmamaneho.
Tama ba naman ang biglaan silang tanggalan ng kabuhayan?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr,