LUMALABAS na inutil ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na ipinauubaya na niya sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatuloy ng kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.
Sinabi ni Duterte na simula nang ihinto ng PNP ang Oplan Tokhang nitong 30 Enero, muling naging aktibo ang operasyon ng ilegal na droga at umabot sa 20 porsiyento ang pagtaas ng tinatawag na drug-related activities.
Kinompirma mismo ni Quezon City Chief Supt. Guillermo Eleazar na ang kalakalan ng droga sa lugar na kaniyang nasasakupan ay muling bumalik, at ang mga adik at pusher ay tuloy na naman sa kanilang negosyo sa droga.
Kaya nga, kung talagang nais ng pamahalaan ni Duterte na magtagumpay ang kampanya laban sa droga, marapat lang na ibalik ang Oplan Tokhang. At sa pagkakataong ito, kailangang pumili ng matitinong pulis si PNP Chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na siyang bubuo para sugpuin ang giyera sa droga.
Hindi pa huli ang lahat, kailangan lang nang maayos na koordinasyon ng PNP sa mga barangay leaders pati na ang mga kagawad ng PDEA at military na siyang magpapakita ng agresibo at dedikadong pagkilos para sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.