MAKULIT kaya sinibak! Ito ang nangyari sa apat na senador na kabilang sa Liberal Party (LP) na tuluyang sinibak sa kani-kanilang puwesto sa Senado nitong nakaraang Lunes ng mayorya ng Senado na pinamumunuan ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III.
Ang LP senators na sinibak ay sina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Bam Aquino, Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Franklin Drilon. Si Hontiveros, chairman ng committee on health ay pinalitan ni Sen. JV Ejercito. Si Pangilinan, chairman ng committee on agriculture ay pinalitan ni Sen. Cynthia Villar. Si Aquino naman bilang chairman ng committee on education ay pinalitan ni Sen. Chiz Escudero.
Ang pinakamataas na posisyon ng LP sa Senado na hawak ni Drilon bilang Senate President Pro-Tempore ay pinalitan naman ni Sen. Ralph Recto. Sa ngayon, ang apat na sinibak na senador ay siyang bubuo ng minority group sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Dapat lang sibakin ang apat na senador. Hindi maituturing na kabilang sila sa majority bilang alyansa ng mga pro-Duterte at LP senators. Sa simula pa lang, maituturing na maliligalig at magugulo sila na walang ginawa kundi harangin at batikusin ang posisyon ng Duterte administration.
Parang mga basang-sisiw ngayon sina Hontiveros, Aquino, Pangilinan at Drilon. Hindi na makakaporma ngayon sa gusto nilang gawin sa Senado lalo kung mga priority bills ng administrasyon ang pag-uusapan.
Matuto kasi kayong makisama!