NUJP nanawagan: pagpaslang kay Jun Pala imbestigahan
Jerry Yap
February 26, 2017
Bulabugin
MAY dapat bang pagtalunan?!
Ilang mga katoto ang kahuntahan natin nitong Biyernes tungkol sa isyu na nais paimbestigahan ng National Union of the Journalists on the Philippines (NUJP) ang pagpaslang kay Jun Pala, ang hard-hitting commentator na nakabase sa Davao, na sinabi ng retiradong pulis na si Arthur Lascañas na ipinapaslang ni noo’y Davao mayor at ngayon ay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Lahat sila ay sang-ayon na imbestigahan ang nasabing pamamaslang dahil ang isyu rito, may mamamahayag na pinaslang.
Wala naman sigurong personalan rito, maliban kung ito ay instigasyon ng ilang grupo na hindi matanggap na inilampaso sila ni Pangulong Duterte?
Sa isang banda, ito ay isang pagkakataon din para patunayan na walang Davao Death Squad (DDS), kung wala talaga.
At kung si dating mayor at ngayon ay Pangulong Digong ba o hindi ang nagpapaslang kay Pala?
Higit sa lahat, isa rin itong pagkakataon para sa mga mamamahayag na mapatunayang, pagkatapos ng Martial Law, ay mas maraming pinaslang na mamamahayag sa ilalim ng mga administrasyong sinasabing nagbabandila ng demokrasya — pero kupot ang kalayaan sa pamamahayag.
O ‘di ba, napaka-ironic, na habang sinasabi nang marami na lumaya ang bansa sa kuko ng isang diktador ‘e saka naman naging dalawa-singko ang buhay ng mga mamamahayag, mula noong 1986 hanggang sa kasalukuyan?
At nakasama pa ang Filipinas sa talaan ng pinakamapanganib na lugar sa buong mundo para sa mga mamamahayag.
Kakaiba ‘yan — nagkaroon ng demokrasya — para iwasiwas ang ‘kalayaang’ pumaslang ng mga mamamahayag?
Sa ganang atin, kung talagang walang masasaling sa interes ng kasalukuyang administrasyon sa isyu ng pagpaslang kay Jun Pala, bakit hindi hayaang imbestigahan?!
Ano sa tingin ninyo, Mr. Presidential Legal Adviser, Secretary Panelo?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap